ALAMIN: Bakit mahalagang planuhin ang pagreretiro?

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 12:33 PM

Maituturing na malaking hakbang para sa mga empleyado ang pagreretiro. 

Para sa counselor na si Dr. Ed Caligner, mainam nang ikondisyon nang maaga ang utak sa pagreretiro dahil malaking "pagbabago" raw ito sa buhay ng isang tao. 

"Major change sa buhay ng tao yon... Malaki ang epekto nito magkakaroon ng corresponding changes so importanteng planuhin yan," ani Caligner sa programang "Sakto" ng DZMM. 

"Mahalagang planuhin kasi ano ang gagawin mo doon sa panahon na wala kang trabaho? Importante yon we're talking about wellbeing now, mental health," dagdag niya.

Baka raw kasi makadama ng lungkot ang isang tao kapag dumating na ang panahong magreretiro ito. 

"'Yung nakatengga ka na lang... Naghihintay ka na lang ng katapusan ng buhay mo. and when you look at the past, 'ano ba ang naaccomplish ko sa buhay' hindi ka masaya," ani Caligner. 

Dapat ding planuhin ang ipon sa pagreretiro, anang eksperto. 

Para sa kaniya, mahalagang tingnan kung ano ang mga hobby na kinagigiliwan noong kabataan, at gawin itong libangan sa pagreretiro. 

Pero kung masyadong "pisikal" ang dating hobby ng magreretiro, dapat nang magkaroon ng "acceptance" dahil limitado na ang galaw ng katawan pagtanda, ayon kay Caligner. 

Maaari ring mag-alaga ng apo habang nagreretiro, ayon kay Caligner, pero hindi dapat ito makasanayan. 

"Okay lang na alagaan ang apo pero... 'pag tumagal-tagal na iyan magsusungit siya," ani Caligner. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.