ALAMIN: Ilang katangian ng ligtas na workplace

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 01:39 PM | Updated as of Oct 07 2019 01:49 PM

Halos lahat ng trabaho ay laging may kaakibat ng panganib kaya mainam na magkaroon ng mga hakbang upang maiwasan ang disgrasya.

Sa programang "Sakto" ng DZMM, tinalakay ni Noel Binag, executive director ng Occupational Safety and Health Center sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang ilang katangian ng isang ligtas ng workplace o lugar na pinagtatrabahuhan.

"Alam nating may inherent danger in every workplace, walang safe. Kaya po tayo may programa na tinuturuan natin [ang] safety officers natin to identify and make corrective measures," ani Binag.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ilalim ng Republic Act No. 11058, o iyong batas na naglalaman ng mga patakaran para matiyak ang kaligtasan sa workplace, kailangan may mga safety officer — gaya ng mga certified first-aider — ang mga negosyo at establisimyento, ayon kay Binag.

"Mayroon po tayong micro, small at saka large business establishments. Lahat po ito kailangan ng safety officer o certified first-aider," aniya.

Kung kakaunti lamang ang bilang ng mga manggagawa sa isang negosyo, puwede raw na iyong may-ari ang dumaan sa pagsasanay para maging safety officer.

Puwede ring magsilbing safety officer ang guwardiya ng establisimyento basta dumaan sa pagsasanay.

IBA'T IBANG URI NG HAZARD

Ayon pa kay Binag, dapat ding tiyaking walang "hazard" o panganib sa workplace.

Isa sa mga uri ng hazard na nabanggit ni Binag ang biological hazard gaya ng mga nakahahawang sakit.

"Example, mayroon kayong sakit na umuubo ka o may sipon ka, it can contaminate workers," paliwanag niya.

Mayroon ding mga chemical hazard na nakukuha sa pagkalantad ng mga manggagawa sa mga kemikal gaya ng barnis o pintura.

Ergonomic hazard naman umano ang tawag sa mga pisikal na kondisyong maaaring makapinsala sa katawan ng tao.

Isa sa mga halimbawa ng ergonomic hazard, ani Binag, ay ang matagal na pag-upo o pagtayo ng mga empleyado, na ipinagbabawal ng DOLE.

Nangunguna ang construction at manufacturing sa mga industriyang "high risk" o malaki ang tsansang lantad sa panganib ang mga manggagawa, ani Binag.

Maaaring pagmultahin ang employer ng P100,00 sa bawat araw na hindi naitatama ang paglabag sa mga patakarang may kinalaman sa occupational safety o kaligtasan sa trabaho, ani Binag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.