PatrolPH

HS student, 19, kumikita ng P24,000 sa lettuce farming

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2022 12:07 PM

Hindi hadlang ang kahirapan at edad sa pagnenegosyo. 'Yan ang pinatuyan ng isang Gen-Z mula Southern Leyte na kumikita ngayon ng libo-libo sa gulay.

Siya si Mark James Pedragosa, 19 years old at senior high school graduate mula Sitio Loblobon, Barangay Sto Niño ng Maasin City.

Bata pa lamang si James ay pangarap niyang matulungan ang pamilya. Pangalawang anak siya sa tatlong magkakapatid. 

Nakuha niya ang sipag sa pagtatanim sa kanyang mga magulang na parehong magsasaka. Tuba wine maker ang kanyang ama na si Marvin Pedragosa, habang ang kanyang inang si Ana Lisa Pedragosa naman ay nagtatanim ng mga pananim at gulay. 

Matapos makapagtapos ng kursong technical vocational sa senior high school, lumipad si James patungong Maynila para maghanap ng mas magandang pagkakataon. 

Ngunit, isang araw, napagtanto niya na hindi madali ang maging trabahador, at hindi niya pinangarap ang makaalis sa Maynila na malayo sa kanyang pamilya.

Sa P100 niyang puhunan, ngayon ay kumikita na si James ng mahigit P12,000 hanggang P24,000 kada buwan sa kanyang pananim na lettuce. 

Kung dati ay isang styrobox lang ang kanyang mapagkukuhanan, ngayon pinalaki na niya ang kanyang greenhouse sa Barangay Sto. Niño, Maasin City upang maka-harvest ng mahigit pa. 

“Ang pagsasaka ay nakakatulong sa ating pang-araw-araw na pangangailangan. Maaari tayong mag-ani ng ating pagkain sa pamamagitan ng ating sariling sakahan. Makakatipid tayo ng pera sa pamamagitan ng sarili nating sakahan, at iyon ang dahilan kung bakit pinili ko ang pagsasaka," aniya.

Pinangako naman niya sa kanyang sarili na babalik siya sa pag-aaral 'pag bumuti na ang lahat. 

Ang kanyang mga customer ay mula sa mga restaurant sa Bato, Leyte at ilang tindahan dito sa Maasin City. 

Ulat ni Zhea Galo / Cabodbod, Southern Leyte Times

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.