MAYNILA — May mga pagkakataon na nagpapainom ng antibiotic ang magulang sa kanilang anak sa pananiwalang mas mabilis itong gagaling sa simpleng ubo at sipon.
Pero babala ni Dr. Cecilia Maramba Lazarte, miyembro ng National Antibiotics Guidelines Committee ng Department of Health (DOH), hindi gagaling ang simpleng ubo at sipon sa pag-inom ng antibiotics.
Sa katunayan aniya, may masamang epekto pa raw ito sa katawan ng bata paglaki.
Paliwanag ni Lazarte, viral kasi ang ubo at sipon at ginagamit lang ang antibiotic sa mga bacterial na sakit.
"Magkakaroon ng masamang epekto sa isang bata, puwedeng magka-adverse effects o resistance ang ating mga bacteria sa mga antibiotic," ani Lazarte sa programang "Good Vibes" ng DZMM noong Biyernes.
Kapag nagkaroon ng resistance ang bata sa antibiotics, mas matagal bago ito gumaling, ayon kay Lazarte.
Pero kung matagal nang may ubo, mainam munang ipasuri ang bata sa doktor para matingnan kung kakailanganin ng antibiotics ang sakit, ayon kay Lazarte.
Maaari kasing pneumonia o sinusitis na ang iniinda ng bata.
"Kailangang ipasuri sa doktor ang anak kung gagaling sa antibiotic. Mostly viral infections 'yung cough and colds so sariling immune system ang magpapagaling sa atin diyan," pahayag ni Lazarte.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, sipon, ubo, antibiotic, katawan, bata, health, good vibes, health, Reseta Ni Dok