ALAMIN: Sakit sa puso na karaniwan sa mga sanggol

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 06:11 AM

Ang congenital heart disease ay isang sakit sa puso na karaniwang nakikita sa mga sanggol.

Isa sa mga kondisiyon ng congenital heart disease ay ang pagkakaroon ng butas sa puso.

Madalas nangyayari ang problema sa development ng puso ng isang sanggol habang nasa sinapupunan pa lamang ng kaniyang ina, ayon sa cardiologist na si Dr. Jonas Del Rosario, isang panauhing espesyalista sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Paliwanag din ni Del Rosario, may ilang ginagawa ang isang ina habang siya'y nagbubuntis na maaaring makapagpataas ng tiyansang magkaroon ng naturang sakit ang kaniyang anak.

Kabilang na rito ang pagka-expose ng ina sa radiation, o di kaya'y mayroong nainom na bawal na gamot.

Paalala niya, dapat na maging maingat ang mga ina sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis dahil ito ang panahong nabubuo ang ilang organs ng bata tulad ng puso.

Sintomas ng congenital heart disease

Ani Del Rosario, kahit nasa sinapupunan pa lang ng ina, maaari nang malaman kung mayroong congenital heart disease ang sanggol.

"[A]ng usual na nangyayari, mag-u-ultrasound 'yong OB (obstetrician) titingnan niya 'yong puso usually dapat apat na kuwarto, titingnan nila 'yong size ng puso... tapos kapag may nakita silang alanganin, ire-refer naman sila sa amin, sa mga pediatric cardiologist," aniya.

Nilinaw naman ni Del Rosario na kung sakaling malaman na mayroong congenital heart disease ang isang bata sa sinapupunan pa lamang, hindi ito agad na magagamot.

"Ang mangyayari, iko-confirm ng pediatric cardiologist kung anong klaseng congenital heart disease 'yon. Ngayon kung critical 'yon, heto ang malaking tulong kung malaman mo beforehand kasi nakaabang na 'yong team [na] manganganak 'yong nanay sa isang ospital na handa para i-tackle 'yon," pahayag ni Del Rosario.

Samantala, may isang klase ng congenital heart disease na kung tawagin ay critical congenital heart disease. 

Kapag mayroong ganitong klase ng sakit ang isang bata, sa pagkasilang pa lamang nito ay makikita na ang sakit sa kaniya, dahil sa pangingitim ng balat nito.

Isa rin sa mga pangkaraniwang basehan kaya nalalaman ang sakit na tulad nito ay ang pagdinig sa iregular na tibok ng puso ng bata, o ang tinatawag na "heart murmur."

Subalit minsan ay walang naririnig na heart murmur ang mga doktor pero dahil sa ibang mga sintomas, isinasailalim pa rin ang pasyente sa ibang mga eksaminasyon.

"Minsan walang heart murmur pero [may pagkakataon na] magsususpetsa 'yong pediatrician kasi mabilis ang tibok ng puso, mayroong problema sa pulso, minsan nakikita rin ang problema kapag sumailalim na sa X-ray o ECG (electrocardiogram) and then hanggang sa ma-refer na sa pediatric cardiologist," sabi niya.

Isa pa sa pangkaraniwang maaaring mapansin ng isang ina ay ang paghina sa pagdede ng kaniyang sanggol. 

Makikita din ang panghihina at tila hirap sa pagdede habang umiinom ito ng gatas.

Kapag nakitaan ng ganitong sintomas, aniya, mabuting ipakonsulta agad sa doktor ang kondisiyon ng anak.

Treatment at lifestyle ng may congenital heart disease

Paalala ni Del Rosario, mataas ang mortality rate ng congenital heart disease kaya mahalaga ang early detection sa naturang sakit.

Samantala, kapag "mild" lang aniya ang klase ng naturang sakit, kadalasan ay walang nakikita o nararanasang sintomas o iyong tinatawag na "asymptomatic."

Sa mga pasyenteng mayroong ganitong klase ng sakit, mataas aniya ang tiyansang mabuhay.

"Kapag mild, kadalasan no treatment, gamot-gamot lang," dagdag niya.

Puwede ba itong lumabas kahit matanda na?

"Mayroon tayong tinatawag na atrial septal defect. Usually, OK sila during the first decades of [his/her] life. In fact parang walang sakit... hanggang 20s, 30s dun nila nararamdaman 'yong symptoms. Kasi ibang klaseng sakit naman sa puso 'yon medyo 'yong lokasyon ng butas eh nasa lugar na hindi kaaagad nagkakaproblema," ayon kay Del Rosario.

Ang pagsali sa sports, depende rin aniya kung anong klaseng congenital heart disease mayroon ang isang tao.

"Napakaimportanteng malaman kung anong klaseng congenital heart disease [mayroon ang isang tao] at depende kung ano 'yong congenital heart disease at 'yong severity, [kaya] may kaniya-kaniyang sports prescription. Halimbawa, may butas ka sa puso pero 'yong butas ay maliit lang, you can do competitive sports, [dahil] ang liit lang ng butas," paliwanag niya.

Pero may iba namang klase ng sakit na bawal talagang sumabak sa sports dahil maaari itong ikamatay nang biglaan ng isang pasyente.

Ayon din kay Del Rosario, napakaraming klase ng congenital heart disease at iba-iba rin ang "timing" ng paglabas nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.