KILALANIN: Writer at radio drama talent na walang paningin

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 01:09 AM

Hindi naging hadlang sa pagtulong sa pamilya at pagbigay-inspirasyon sa iba ang pagiging bulag para sa isang writer at radio drama talent.

Bagaman pinanganak na walang paningin, bata pa lang ay alam na ni Thelma Alcantara na nais niyang magbigay-saya sa mga tao.

“Pinanganak ako hindi na ako nakakakita. Bata pa ako talagang alam ko na kung ano ang gusto ko. Mahilig akong kumanta. Mahilig akong makinig ng drama. Mahilig akong mag-entertain,” kuwento niya.

Pero hindi naging madali na tuparin ito dahil wala siyang paningin. 

“Nung second year high school ako may isang radio station na nag-apply ako. Hindi ako tinanggap kasi hindi nga raw ako nakakakita hindi nga raw puwede. Masakit. Bawat ganun, iniiyakan ko yun. Pero hindi ako humihinto.”

Sa kabila nito, hindi siya tumigil sa pag-abot ng pangarap kaya nagsusulat na siya ngayon ng mga radio drama at gumaganap pang radio voice artist.

Katuwang ang kaniyang mister, patuloy sa pagkayod ang mag-asawa para suportahan ang nag-iisang anak.

Hiling niya, sana marami pang oportunidad ang magbukas at mabigyan din ng pagkakataon ang mga tulad niyang pinagkaitan ng paningin.

-- Ulat mula sa Bandila X-tra

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.