PatrolPH

8 anyos na bumili ng pagkain ng galang pusa gamit ang ipon, hinangaan

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2021 11:23 AM

Larawan mula kay Mayanne Basco
Larawan mula kay Mayanne Basco

Hinangaan ng cat lover netizens ang isang 8 anyos na bata sa Dasmariñas City, Cavite dahil sa pagmamalasakit nito sa mga pusang palaboy sa kanilang subdivision. 

Ayon kay Bayan Patroller Mayanne Basco, ina ni Luke Dale "Deydey" Rosario, nagsimula ang pagpapakain ng kanyang anak sa mga pusang pagala-gala sa kanilang lugar noong Agosto 27.

Kwento niya, hindi mapakali ang anak at iniisip kung makakakain pa ba ang mga pusang kanyang nakikita kaya naman naisipan nitong buksan ang alkansya.

 

“Sobrang masaya po ako bilang ina na ganun siya talaga magmahal sa mga hayop lalo po sa mga pusa,” aniya. 

Nagsimulang mahilig si Deydey sa mga pusa nang magkaroon ng sariling alaga na napulot nila sa probinsya, aniya. 

Pagbabahagi ni Deydey sa Bayan Mo, i-Patrol Mo, naisipan niyang gastusin ang perang naipon dahil naaawa siya sa mga pusang nakikita. 

Aniya, maliit na halaga lamang ito kung tutuusin pero malaking tulong para sa mga nagugutom na pusa. 

“Masaya po kasi napapakain ko na sila, tumataba na po sila. Sana po 'yung ibang tao mahalin 'yung pusa at aso,” aniya. 

Pangako ni Deydey, ipagpapatuloy niya ang nasimulang adhikain hangga't may cat food siyang pwedeng ipakain sa mga pusa.
 
Nagpapasalamat din siya sa mga netizen na natuwa at nagpaabot ng tulong para patuloy siyang makabili ng cat food.

—Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo, i-Patrol Mo

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.