SILIPIN: Collectors nagsama-sama para sa magarbong kasal ng mga manyika

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2019 02:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Hulyo, isang magarbong kasal ang dinaluhan ng mga mahilig mangolekto ng manyika.

Pero ang nasabing seremonya ay hindi idinaos para sa mga tao kundi para sa mga manyikang pag-aari ni Mary Rose Baranda.

Isinabay noong Hulyo 7 sa meet-up o pagkikita-kita ng mga doll collector at enthusiast ang kasal ng ball-jointed dolls ni Baranda, na sina Lupin at Lilac.

"It's difficult to explain but it makes me happy. I think the other doll collectors, siguro nafi-feel din nila... parang ano mo na rin sila (dolls), mga anak mo na rin sila," ani Baranda, isang plangonologist o kolektor ng manyika.

Ikinuwento ni Baranda na naging katuwang niya sa paghahanda sa kasal ang ibang mga kolektor, gaya ni Felix Solero na nagsilbing stylist sa mga manyika.

Inilarawan naman ng kapuwa doll collector na si Red Zurbano ang okasyon bilang "real wedding" o mistulang tunay na kasal dahil sa mga paghahanda at mabusisnig detalye.

"We doll people are really into detail," aniya.

"First time namin na-experience na may ikinasal na manyika," anang isa pang kolektor na si Aylene Tanchauco.

Kabilang sa props ang mini food sa reception na pinaghati-hatian ng mga kolektor, at personalized chocolate giveaways na binili sa France at Netherlands.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.