TFC News

Imahe ng patron ng Cebu bahagi ng Magellan voyage exhibition sa Portugal

TFC News

Posted at Sep 27 2023 08:00 AM

LISBON - Pormal na inilipat kamakailan ni Philippine Ambassador to Portugal Celia Anna Feria kay Mayor Helena Lapa ng bayan ng Sabrosa, Portugal ang pangangalaga sa replica ng Santo Niño de Cebu.

Ito’y permanenteng magiging bahagi na ng exhibition ng Os Locais E Culturas Da Viagem de Fernao de Magalhaes (The Places and Cultures of Fernão de Magalhaes's Voyage).

1
PE Lisbon

Ang replica ng Santo Niño de Cebu ay handog ng Basilica Minore del Santo Nino de Cebu sa bayan ng Sabrosa. Mas malalim na pagkakaibigan at cultural connection ng Pilipinas at bayan ng Sabrosa ang layon ng handover ng replica ng Santo Niño de Cebu dahil ang Sabrosa ang bayang sinilangan ng Portuguese navigator, Ferdinand Magellan.

2
Pormal na inilipat ni Philippine Ambassador to Portugal Celia Anna Feria ang pangangalaga sa replica ng Santo Niño de Cebu kay Mayor Helena Lapa ng bayan ng Sabrosa, Distrito ng Vila Real, Portugal. Permanenteng bahagi na ngayon ang replica ng Santo Niño de Cebu ng Os Locais E Culturas Da Viagem de Fernao de Magalhaes exhibition. PE Lisbon

Sabi ni Ambassador Feria, “There could be no better way to conclude the quincentennial celebration than by bringing to Sabrosa the replica of the Santo Niño de Cebu, the most revered religious image in the Philippines, whose story is eternally linked to the legacy of Ferdinand Magellan.”

Ang imahe ng Santo Niño ay ang baptismal gift ni Ferdinand Magellan sa Reyna ng Cebu, na bininyagan sa pangalang Juana. Ang binyag naman ni Rajah Humabon at ang kanyang Reyna kasama ng 800 katao ay ginanap sa isla ng Cebu noong April 14, 1521.

Pinasalamatan ni Feria ang suportang ibinigay ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu, partikular na sa kanilang rector na si Reverend Nelson Zerda. Malaki ang naitulong ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu sa Philippine Embassy sa Lisbon sa pagpalaganap ng mga impormasyon tungkol sa Santo Niño de Cebu.

Kasabay ding ipinagdiriwang ng embahada ang ika-500 taon na rin ng pagdating sa Pilipinas ng Kristiyanismo at ang unang paglibot sa buong mundo ng Magellan-Elcano expedition. Ang turnover ng replica ng Santo Nino de Cebu ang nagsilbing opisyal na pagtatapos ng tatlong taong komemorasyon ng makasaysayang araw, limandaang taon na ang nakalilipas.

3
Dumalo rin sa turn-over ceremony sina Dra. Helena Lacerda Pavão, pangulo ng Municipal Assembly ng Sabrosa; Dr. José Manuel Marques, dating pangulo ng Estrutura de Missão para as Comemorações de Fernão de Magalhães (the Portuguese counterpart of the National Quincentennial Committee) at ang dating mayor ng Sabrosa na si Dr. João Veiga, ang pangulo ng Parish Council ng Sabrosa, at si Dr. Alfredo Martins, direktor ng exhibition. PE Lisbon.

Ang Exhibition, Os Locais E Culturas Da Viagem De Magalhaes, ay mabibisita sa Parque BB King in Sabrosa, Portugal na bukas sa publiko. Ito ang nag-iisang museo na nakatuon sa komemorasyon ng paglalakbay ni Ferdinand Magellan mula 1519 hanggang 1521.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Portugal, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.