TINGNAN: Mala-crinkles na ulap, tanaw sa Leyte

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2020 04:47 PM | Updated as of Sep 24 2020 05:34 PM

Mala-crinkles na ulap tanaw sa langit sa Burauen, Leyte nitong Miyerkoles ng hapon. Kuha ni John Michael Tilaon.

(UPDATE) Mala-crinkles ang hulma ng mga ulap na tanaw sa langit sa Burauen, Leyte nitong Miyerkoles ng hapon.

Kwento ng netizen na si John Michael Tilaon, nakunan niya ang larawan bandang 5:04 ng hapon habang bumibili ng pagkain matapos ang kanyang online classes.

“Mainit lang noon, tapos maaraw sobra. Kakatapos ko lang po kasi magsagot ng modules ko no’n … ta's nakakagutom s’yempre mag-isip ng mga sagot, kaya naisipan ko lumabas,” kuwento ni Tilaon sa ABS-CBN News nitong Huwebes.

Dagdag pa ni Tilaon, hindi pa nito dala nung una ang cellphone nang makita ang mga ulap, kaya agad itong bumalik sa bahay at kinuhanan na ng larawan ang langit.

“‘Di ko dala cellphone ko that time. Eh ako pa naman ‘yung tao na pagkalabas ko laging langit 'yung tanaw ko n’yan. Madalas akong nakatingala pag nasa labas ako kasi,” aniya.

“Naa-amaze lang ako sa langit. Ta's no’ng time na ‘yun, pagkalabas ko pagtingin ko sa langit na sobrang ganda, e di takbo ako papasok ng bahay ta's kuha ng cellphone ta's ayon, kinunan ko na.”

Ayon naman kay Prof. Edmund Rosales ng Philippine Astronomical Society, ang cloud formation na ito ay tinatawag na "altocumulus," at nagkakaroon nito kapag may paparating na "frontal system" na maaaring cold front o warm front. Ang cold front ay nagdadala ng ulan.

“Nagpapa-ulan din ito 'pag sumalubong sa cold air. Ang cold front naman sumasalubong sa warm clouds na kadalasan sa mga thunderclouds. Kaya kapag may thunderstorm may malamig na hanging kasama ito,” paliwanag ni Rosales.

— May ulat ni Sarah Sales, Bayan Mo, Ipatrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.