'Pagdumi sa toilet, malinis na palikuran nakatutulong laban sa pagkalat ng polio virus'

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 12:31 PM | Updated as of Sep 23 2019 12:48 PM

Banyo ng Araneta Center-Cubao station sa MRT-3. Mark Demayo, ABS-CBN News

Mahalaga ang pagdumi sa tamang lugar, gaya ng toilet, at pagpapanatili ng malinis na palikuran para maiwasan ang pagkalat ng polio virus, ayon sa isang eksperto.

Nakukuha kasi ang polio virus sa dumi ng tao at maaari itong kumalat kapag marumi ang palikuran o dumumi ang indibiduwal kung saan-saan, ayon kay Bonifacio Magtibay, technical officer para sa environmental at occupation health mula sa World Health Organization (WHO).

"Nakaka-contribute ang maruming paligid sa pagkalat ng polio virus kasi ang virus na 'yan ay puwedeng excreted; meaning, na-ingest 'yan ng isang tao at nilalabas sa pamamagitan ng pagdumi," ani Magtibay sa programang "Sakto" ng DZMM.

"Kung ang dumi ay hindi sa malinis na toilet, puwede itong kumalat sa ating kapaligiran like sa bodies of water, rivers, and even sa ating waste water na kapag umulan ay kumakalat sa environment," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinayo ni Magtibay ang pagkakaroon ng sariling kubeta o pagdumi sa toilet para maiwasang makadagdag sa pagkalat ng polio at iba pang sakit.

"Kung may toilet tayo, nako-contain natin 'yong virus at puwede siyang mamatay doon," ani Magtibay.

Mainam din daw na laging linisin ang palikuran at tiyaking walang tagas ang septic tank.

Malalaman umano kung may tagas ang septic tank kung hindi ito napupuno.

"Kasi ang design ng septic tank ay hanggang 3 to 5 years, dapat puno na 'yan. So kung 'di napupuno, it's either bottomless siya o may leak," paliwanag ni Magtibay.

Ayon pa kay Magtibay, mahalaga ring ang personal hygiene o pagiging malinis sa katawan para makaiwas sa polio at ibang pang sakit.

"Dapat ma-maintain din natin 'yan lalo na 'yong paghugas ng kamay with soap kasi 'yan din 'yong nagtatanggal ng virus sa ating katawan," aniya.

Hindi raw sapat na pang-alis sa virus ang paghuhugas ng kamay nang walang sabon dahil may mga virus daw na dumidikit sa tao at naaalis lamang sa pamamagitan ng sabon.

Pinaalalahanan din ni Magtibay ang mga restoran at iba pang establisimyento na panatilihing malinis ang kanilang mga palikuran at magkaroon ng handwash facility, na nakapaloob umano sa Code on Sanitation of the Philippines.

Kinumpirma ng Department of Health noong Huwebes ang pagbabalik ng polio sa bansa, halos 2 dekada matapos ideklara ng WHO na polio-free ang Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.