Gurong nanlibre ng pizza, soda float sa mga estudyante, patok sa social media

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 10:00 PM

ZAMBOANGA CITY - Hinangaan ng mga netizens ang isang gurong nanlibre ng pizza at soda float sa kaniyang mga estudyante sa Zamboanga City.

Umani ng reaksyon sa social media ang mga larawang ipinost ng gurong si Arnulfo Burlas, Jr., o mas kilala bilang "Ser Jun."

Nagtuturo si Burlas sa Grade 7 sa isang pribadong paaralan sa lungsod. Isa rin siyang arnis coach.

Noong Setyembre 18, binilhan niya ng soda float at pizza ang kaniyang mga estudyante na noon ay kumukuha ng pagsusulit.

Ayon kay Burlas, nagsilbi rin itong motibasyon sa kaniyang mga estudyante, lalo na't isa sa kanila ang nagdiriwang ng kaniyang kaarawan noong araw na iyon.

"I want to motivate my student and nagkataon din na birthday ng isang estudyante, second reason is sa sobrang sakripisyo nila sa study, iyun din ang isang motivation natin," aniya.

Dagdag pa ni Burlas, bilang isang guro dapat ding magpakita ng malasakit sa mga estudyante at pahalagahan ang mga sakripisyo ng mga ito na pumunta ng eskuwelahan para matuto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.