Butanding, sorpresang nagpakita sa mga turista sa Samal

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 09:27 PM

DAVAO CITY -- Isang butanding ang sorpresang nagpakita sa ilang mga turista sa Samal, Davao del Norte nitong Sabado.

Sulit ang naging island hopping ng mga turista na kasama ng tour guide na si Chippy Maraña dahil sa pambihirang pagkakataon, nasilayan nila ang isang whale shark o butanding sa mababaw na bahagi ng Davao Gulf.

Nagulat sila sa kanilang nakita at namangha kaya kanya-kanya sila sa pagkuha ng litrato sa butanding malapit sa kanilang bangka.

Nakita nila ito sa pagdaong sa Diaz Island sa may Kapitian district sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte

"Na-amaze at enjoy masyado sila," ayon kay Maraña.

 

Nitong Hulyo, nakunan din ng video ni Alejandro Romo Jr. ang butanding habang lulan siya ng isang ferry boat patawid mula Davao City papunta sa Samal.

Ayon sa marine biologist na si Darrell Blatchley, madalas nakikita sa Davao Gulf ang mga butanding sa mga panahong ito.

"Food source. Rainy season brings nutrients to the gulf, that causes fish to come, as well and whales," ayon kay Blatchley.

Dagdag ng eksperto, posible ring maging problema ang maulan na panahon para sa mga butanding at mga namumuhay sa ilalim ng karagatan.

"It also causes problem for wildlife as rainfall causes more trash to enter the gulf," sabi ni Blatchley.

Ilang taon nang nakakarekober ng patay na balyena, at malalaking isda at marine mammals si Blatchley sa Davao Gulf na ang madalas na ikinamamatay, mga nakakain na basura sa dagat.

Layunin ni Blatchley ang pagpapalakas ng coastal clean-up at pagturo sa mga Dabawenyo na huwag itapon kahit saan-saan ang basura dahil mapapadpad din ito sa dagat.

Nasa Bangkok, Thailand ngayon si Blatchley para tumanggap ng parangal na first prize para sa Plastic Initiative Award ng UNESCO.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.