ALAMIN: Mga pagkaing nakabubuti sa lagay ng pag-iisip

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 04:35 PM | Updated as of Sep 23 2019 04:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa mga maaaring makaapekto sa lagay ng mental health o pag-iisip ng isang tao ang kaniyang mga kinakain, ayon sa isang doktor.

Ayon sa psychiatrist na si Dr. Rene Samaniego, konektado ang pag-iisip at emosyon — na mga aspeto umano ng mental health — ng isang tao ang paraan ng pag-alaga nito sa kaniyang pangangatawan, kabilang na ang paraan ng kaniyang pagkain.

"Kung papaano natin pinapangalagaan 'yong katawan natin or not, maiipluwensiyahan noon 'yong ating pag-iisip at 'yong emosyon o mood," ani Samaniego, dating pangulo ng Philippine Psychiatric Association, sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Sa psychiatry, o iyong sangay ng medisina hinggil sa paggamot ng mga sakit sa isip, inirerekomenda ang pagsunod sa diyetang "whole foods-based diet," ayon kay Samaniego.

Kabilang umano sa mga pagkaing whole foods ay ang mga gulay, prutas, at whole grains gaya ng brown rice at oatmeal.

"Foods that have been processed or refined as little as possible and those with the least additives, preservatives, or artificial substances," paliwanag ni Samaniego.

Base raw sa mga pag-aaral, epektibo ang whole foods sa pagpapabuti ng lagay ng pag-iisip at panlaban sa mga sakit sa utak.

"'Yong whole foods kasi... highlighted na effective for a lot of psychiatric disorders in general. That would include depression, anxiety, bipolar disorder, schizophrenia," anang doktor.

"Puwede ring ma-influence noon 'yong developmental disorders like autism. Puwede siyang maging effective for cognitive disorders like Alzheimer's [disease]."

Pero binigyang diin din ni Samaniego na complementary treatment lang ang diyeta o maaaring isabay sa iba pang paraan ng paggamot ng mga sakit sa pag-iisip.

"Hindi po nito puwedeng i-substitute ang gamot," aniya.

Ipinayo rin ng doktor ang mga pagkaing mayaman sa Omega-3 fatty acids gaya ng mga matatabang isda (mackerel, salmon, at sardinas) at ilang klase ng gulay (soy beans).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.