Adobo with tinawon rice, ibinida sa food exhibit sa Italy

Maricel Burgonio, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Sep 23 2018 06:37 PM

TORINO, Italy - Ibinida ni Chef Jam Melchor ang Kapampangan chicken pork adobo with tinawon rice sa isang food exhibit dito kung saan itinampok ang iba't ibang pagkain mula sa iba't ibang bahagi mundo.

Habang nagluluto si Melchor sa booth ng Pilipinas, agad na lumapit ang ilang mga bisita matapos maamoy ang mabangong adobo.

Hinintay ng mga bisita mula Europa at Asya ang paglapag sa mesa ng mga sampol na adobo na may tinawon rice ng Ifugao.

Pinilahan ito at naging mabenta.

Nasa 5,000 delegado at 800 exhibitors mula sa 140 bansa ang lumahok sa ikalawang Terra Madre Salone del Gusto 2018 food exhibit.

"I'm really happy. It's my second time here in Terra Madre. Everytime na na-appreciate nila ang pagkain, siyempre nakakataba ng puso. Sana malaman pa nila na 'yung food culture natin napakasarap," ani Melchor.

Nagustuhan ng mga bisita ang lasa ng adobo matapos itong matikman.

"Basically 'yung adobo I presented was pork and chicken adobo, the way we presented in Pampanga. Talagang nanunuot ang lasa ng adobo. Sabi nga nila, 'yung adobo, ang basehan nito, dapat habang tumatagal, sumasarap," paliwanag ni Melchor.

Tubong Pampanga si Melchor. Nagbukas siya ng restaurant, ang Villa Cafe, noong 2011, kung saan inihahain niya ang modernized Kapampangan heirloom recipes.

Itinatad din niya ang Healthy Eats Manila noong 2013 na kilala ngayon bilang Yes Plate, isang sustainable diet delivery service sa Maynila.

Bukod sa adobo ni Melchor, tampok rin sa exhibit ang iba't ibang produktong Pinoy, katulad ang organic coffee mula Sagada na itinitinda ng isang Igorot farmer.

Tampok rin ang iba't ibang uri ng nuts, specialty rice, tablea, spices at iba pa pang produkto ng Pilipinas.

Ayon kay Jennifer Rimando, isang farmer galing Sagada, lumahok siya sa food show para maengganyo rin ang mga kabataan na magsaka.

Dagdag pa niya, kulang ang produksiyon ng kape sa kasalukuyan.

Ibinahagi rin ni Melchor sa isang talk ang pagsuporta sa mga kabataang Filipino farmers, na isa sa mga adbokasiya ng Slow Food Youth Network Philippines.

"Our next plan is to challenge the mindset of the youth about growing our food. We are a small country. Our country is an agricultural land. The average age of a Filipino farmer is 57 years old," ani Melchor.

Nagsimula noong ika-20 ng Setyembre ang Terra Madre Salon de Gusto 2018. Bukas ang exhibit hanggang ika-24 ng Setyembre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.