MAYNILA - Good vibes ang hatid ng isang TNVS driver na may iba't ibang pakulo para di mainip ang kaniyang mga pasahero sa kalsada.
Siya si Boyet Ong, 56 anyos, na 7 taon nang namamasada bilang TNVS driver. Tampok din sa kaniya ang kaniyang ponytail na 11 taon na niyang pinapahaba.
Nataong naging pasahero ang manunulat ng storyang ito at hindi naman nag-atubiling magbigay ng panayam si Ong.
Pagpasok mo ay tatambad na ang makuwelang house rules niya sa kaniyang sasakyan, kung saan ultimo pagu-utot ay sinasabi niyang bawal dahil para sa kaniya, dapat "mahiya sa kapwa," at bawal din aniyang maglampungan dahil "may motel naman."
Ang 'house rules' ni Boyet Ong. AC Coloma, ABS-CBN News
"Naranasan ko na yang mga yan," kuwento ni Ong sa ABS-CBN News.
Kung kinakailangan, mag-aalok din siya ng alkohol na nakalagay sa bote ng alak.
At sa gitna naman ng biyahe, aalukan ka niya ng metal puzzle na puwede mong gawin para hindi mainip sa mahabang oras na ginugugol sa biyahe.
AC Coloma, ABS-CBN News
Dagdag niya, sa sobrang focused ng mga tao sa pagbuo ng puzzle bibihira lang na may nakapagtapos nito, kahit na malayo ang biyahe nito.
"Lima lang silang nakapagtanggal," proud niyang sinabi.
Tila icebreaker para sa kaniya ang mga pakuwela na ito.
"Para hindi [sila at ako] mainip. Para hindi po naiilang ang sakay. Para masaya ang biyahe.
Bukod sa metal puzzle game (na ginawa niya noong binata pa lang siya.) naga-alok din siya ng number riddle game na tiyak na mama-mindblow ka.
Kuwento niya sa ABS-CBN News, sa pamamasada bilang TNVS driver niya napagtapos ang kaniyang dalawang anak.
At kahit pa tumatanda na siya, magpapatuloy aniya siya sa pamamasada, hangga't kaya niya. Kahit hindi siya namamasada, tila hinahanap pa rin ng kaniyang katawan ang pagmamaneho.
"Gusto kasi ng katawan ko, kaya tinuloy-tuloy ko pa rin. And nakakapagsaya ako ng ibang tao," ani Ong, na nalilbang din sa pagmo-motor, kung hindi siya namamasada bilang Grab driver.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.