PatrolPH

'Kalabaw Caravan' paraan ng mga guro sa Laguna para maabot mga estudyante

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2021 04:25 PM

Larawan mula kay Rolly Caidic
Larawan mula kay Rolly Caidic

Kalabaw ang sinasakyan ng mga kawani ng Papatahan Integrated National High School para mapuntahan ang mga estudyanteng malalayo ang tahanan. 

Nagsimula ang tinatawag nilang "kalabaw caravan" para makapaghatid ng kalidad na edukasyon sa Sitio Papatahan, Barangay 9, Ibaba Del Norte, Paete, Laguna nitong Setyembre 4.

Ayon kay Bayan Patroller Sheila Catalan, guro sa naturang paaralan, Lunes hanggang Biyernes isinasagawa ang kanilang caravan na kadalasang inaabot ng 30 minuto bago marating ang bahay ng kanilang estudyante. 

 

Isang guro sa junior high school at isang guro sa senior high school ang kasama nila sa paglilibot, aniya. 

Bukod sa pamimigay ng modules, nagsasagawa rin ang mga guro ng counselling sa mga magulang, tutorial sa mga estudyante at feeding program.

“Ang ginagawa po namin kaming lahat po na mga teacher po dito gumagawa po kami ng paraan para ‘di po maputol ang kanilang pangarap... Pwede po nating gawin ang impossible sa time po ng pandemic, ‘wag po tayo mawalan ng pag-asa,” ani Catalan. 

Para kay Rolly Caidic, school head ng Papatahan Integrated National High School, malaking hamon man ang kasalukuyang sitwasyon, hindi nila ito aatrasan at patuloy na gagawin ang dedikasyon sa trabaho. 

“Naisip po iyon dahil malaking problem sa community ng Sitio Papatahan ang transportation dahil nasa upland po ang school, 14 kilometers ang layo sa bayan at may halos 2 kilometers rough road bago marating ang community,” ani Caidic. 

“Kapag panahon ng tag-ulan mas mahirap po dahil sobrang maputik at walang sasakyan na nakakadaan … kaya major challenge sa mga teacher ang delivery ng modules at supplies,” dagdag pa niya. 

Mensahe ni Caidic sa mga estudyante na huwag sumuko sa pag-aaral dahil gagawin nilang mga guro ang lahat para maihatid ang kanilang mga kailangan ng maayos at ligtas.

—Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo, i-Patrol Mo

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.