PatrolPH

Sekyu na nagbigay tulong sa estudyanteng nasaraduhan ng money remittance service

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2021 05:32 PM

Mga larawan mula kay John Boy Saldivia.
Mga larawan mula kay John Boy Saldivia.

Labis ang pasasalamat ni Bayan Patroller John Boy Saldivia, isang 4th year criminology student, sa kabaitang pinakita sa kanya ng isang security guard sa money remittance service sa New Washington, Aklan nitong Setyembre 12. 

Kwento niya, humiram siya ng P500 sa kaibigan dahil wala na siyang pera. At dahil simot na ang budget, nilakad niya ang isang kilometro para i-claim ang pera sa isang remittance shop pero sa kasamaang palad ay sarado na ito. 

 

Sandali niyang kinausap ang security guard ng shop na si Mariel Mellano Bolivar at hindi niya inasahan na aabutan siya nito ng P100. 

“Pagkuha niya ng 100 pesos sa box sabay abot sakin parang nadudurog puso ko. ‘Yung di ko makalimutan at tumatak sa’kin ay sabi niya na pagpasensyahan ko na raw kung ‘yun lang bakanteng pera niya. Mag-aral daw ako ng mabuti at balik ko na lang daw ‘yun pag naging successful na ako sa buhay.”

Ayon kay Bolivar, naawa siya kay Saldivia dahil nalaman niyang wala na itong pera pambili ng hapunan kaya inabutan niya ito ng maliit na halaga. 

Sampung taon nang security guard si Bolivar at nagpapasalamat siya sa mga netizen na natuwa at nagbigay ng positibong komento sa kanyang ginawa.

—Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo, i-Patrol Mo

 KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.