PatrolPH

Mag-asawang Pinoy sa Canada, may pagawaan ng parol

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2021 02:09 PM | Updated as of Sep 22 2021 08:31 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Maging sa bansang Canada ay bumibida na ang mga tradisyonal na parol ng Pilipinas. 

Bumuo ng "parol factory" ang isang pamilyang Pinoy sa Canada kung saan tampok ang iba't ibang makukulay na parol. 

“Kasi dito may binebenta rin silang mga bamboo, maliit lang chinese bamboo. Naisipan ko na gumawa muna para sa amin lang but nung makita ng ibang Pilipino, sabi nila kung puwede ako makagawa para rin sa kanila," ani Jemlyn Demegillo. 

Ayon kay Demegillo, una siyang gumawa ng parol para lang sana sa kanilang bahay ngunit nagpagawa na rin ang mga kababayan na miss na miss na rin ang Paskong Pinoy. 

Dahil dito, ginawa na nilang parol factory ang kanilang garahe. 

Umaabot aniya nang hanggang tatlong araw ang paggawa ng mga espesyal na parol. 

Katuwang ni Demegillo ang misis na si Melita mula sa pagporma ng bituin, pagpapalamuti, hanggang sa pagpapailaw. 

Ayon kay Melita, maging ang mga taga-Canada ay namangha sa mga parol na Pinoy. 

“'Pag nakita nila ito, sabi nila wow, ang ganda! It’s amazing, hindi nila akalain na makakakita sila ng ganitong parol dito," ani Melita. 

"That’s the symbol of a true pure Filipino, kahit nasan tayo, hindi natin makalimutan ang ating kultura, pinagmalaki natin ‘yan," ani Jemlyn.

Aminado ang mag-asawang parehong cancer survivor na iba pa rin ang Pasko sa Pilipinas kaya hiling nilang makauwi. 

Pero dahil pandemya, sa Canada muna sila. 

— Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.