TFC News

Buhay ni Pangulong Quezon inalala sa Israel

TFC News

Posted at Sep 20 2023 09:14 PM

TEL AVIV - Nagtipon-tipon ang mga Pilipino sa Holy Land kamakailan upang muling magbigay pugay kay Pangulong Manuel Quezon.

Ginanap sa Open Doors Monument sa Rishon Lezion, Tel Aviv, Israel ang isang wreath-laying ceremony na pinangunahan ni Philippine Ambassador Pedro Laylo, Jr.  Ito ay para sa 145th birth anniversary at 79th death anniversary ng dating pangulo at Ama ng Wikang Pambansa na ipinanganak noong August 19, 1878 at sumakabilang buhay noong August 1,1944.

1
Tel Aviv PE

Matatagpuan sa Rishon Lezion, isang lungsod sa katimugan ng Tel Aviv ang Open Doors Monument na nagsisilbing alaala ni Pangulong Quezon.

Inalala sa monumento ang tulong na kanyang ibinigay sa 1,300 Jewish refugees na tumakas sa Europa dahil sa pagmamalupit sa kanila ng mga Nazi noong ikalawang digmaaang pandaigdig.

Ang kabutihan at kawanggawang ito ni Pangulong Quezon ang naging matibay na simbolo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Israel mula noon.

2
Tel Aviv PE

“Let us always remember Quezon, honor his legacy of kindness and compassion, and live the ideals he stood for. Let us, like him, be champions of open doors, open minds, and open hearts,” sabi ni Ambassador Laylo.

Hinimok din ni Laylo na ipamalita ng mga Pilipino sa Israel ang kabutihan ni Quezon sa Jewish refugees na tinawag ring Manilaners noon at ang kanyang 'open door policy' noong World War II.

3
Tel Aviv PE

Nakipagkita rin si Laylo sa mga nabubuhay pang Manilaners at kanilang mga anak at apo. Dumalo sa wreath laying ceremony si Deputy Mayor Michael Raif at International Affairs Director Annette Ben-Shahar na naging kinatawan ni Rishon Lezion Mayor Raz Kinstlich.

Nag-alay din ng mga bulaklak sa alaala ni Quezon si Danny Weissler, ang anak ng namayapang Manilaner na si Max Weissler.

4
Tel Aviv PE

Naroon din si Asher Gofer, anak ng Holocaust survivors; kanyang maybahay na Pilipina at anak na si Doryliz. Nakaukit ang footprint ni Doryliz sa sahig ng monumento bilang simbolo ng mga inapo ng Holocaust survivors at ang matibay na pagkakaigan ng Pilipinas at Israel.

Dumalo rin sa wreath-laying ceremony ang iba-ibang Filipino Community groups at iba pang mga organisasyon.

5
Tel Aviv PE

Naghain naman ng mga tradisyunal na pagkain tulad ng ginataang bilo-bilo, puto, suman, at buko juice para sa mga bisita sa pagtatapos ng programa.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Israel, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.