ALAMIN: Mga dapat malaman tungkol sa polio

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 05:01 PM | Updated as of Sep 20 2019 05:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang halos dalawang dekadang pagiging polio-free, naitala na muli sa Pilipinas ang isang kaso ng polio.

Inilahad ni Abigail Rivera, isang pediatrician ang mga sanhi ng polio sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Nakakahawang sakit ang polio, na karaniwang umaatake sa nervous system ng isang tao. Mas madalas na kabataan ang mga nakakakuha nito.

Nakukuha ang polio kapag nahahawakan ang dumi o feces ng taong mayroon nito.

"So yung virus mapapasa mo siya nang nakakain mo siya o tubig nainom mo siya tapos yung virus nagre-replicate siya sa bituka natin. So pag ang dumi na iyon ay napunta sa tubig so dun siya pumapasok," ani Rivera.

Nabanggit ng Department of Health noong Huwebes na sa tubigan sa Maynila at Davao natagpuan ang virus, at bumaba rin ang bilang ng mga nagpapabakuna kontra rito sa gitna ng pangamba sa pagpapabakuna ng ilang magulang sa mga anak.

Ilan sa mga sintomas ay lagnat, panghihina ng katawan, pagsusuka, paninigas ng leeg, pangangalay ng mga kamay at paa.

Kung lumala pa ito, maaaring magkaroon ng paralytic polio o maparalisa ang isang pasyente, na senyales na maaaring napunta na sa utak ang virus at maaari niya itong ikamatay.

Pero paalala ni Rivera, kahit pa man mas madalas tamaan ang mga bata ng polio, maaari pa rin itong makuha ng matatanda.

Para maiwasan ang polio, dapat magpabakuna laban dito. Binibigay ang bakuna kapag 6, 10, o 14 weeks old ang isang bata; may iilan na ibinibigay naman kapag 2, 4 , o 6 months old ang supling.

May dalawang klase ng vaccine: ang oral polio vaccine (OPV) na pinapatak sa bibig ng pasyente.

Mayroon ding inactive polio vaccine (IPV) na tinuturok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.