ALAMIN: Ilang sakit, kapansanan na sakop ng PWD ID

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 04:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Iba't ibang benepisyo ang nakukuha ng mga persons with disability (PWD) o mga taong may kapansanan. 

Ibinahagi ni National Council for Disability Affairs (NCDA) executive director Mateo Lee Jr. ang mga requirement para makakuha ng PWD ID. 

  •  Sertipikasyon mula doktor na nagpapatunay na may disability ang pasyente
  •  Barangay clearance
  •  ID picture
  •  Government-issued ID

Kinakailangan ibigay ang requirements sa social welfare development office ng lugar na kinabibilangan. 

"Ang doktor ay nagse-certify, at iyon (certificate) ay hinihingi ng mga local social welfare development office bago kumuha ng ID," ani Lee sa "Sakto" ng DZMM noong Miyerkoles. 

Nahahati ang mga uri ng disability depende sa kapansanan sa katawan. 

Una rito ang may mga physical disability, gaya ng mga gumagamit ng mga aparato na kayang pagpantayin ang mga buto sa katawan, maging ang mga cancer patient at cancer survivor. 

Persons with disability rin ang mga may sensory disability gaya ng pagkabulag, pagkapipi, at mga sobrang labo ang mata

Kasama rin dito ang mga may psychosocial disability - o mga behavioral problem na nakakaapekto sa pakikitungo sa ibang tao, gaya ng depresyon, bipolar disorder, at post traumatic stress disorder. 

Maaari ring kumuha ng PWD ID ang mga may intellectual disability, gaya ng autism, attention deficit hyperactivity disorder, na nakakaapekto sa pag-iisip ng pasyente. 

BENEPISYO

VAT-free ang mga bayarin ng PWDs sa mga restoran, recreation venues gaya ng mga concert, at kakaltasan pa ito ng 20 porsiyento. 

Limang porsiyento naman ang bawas sa grocery items, bukod pa sa VAT-free rin ang mga ito. 

Paalala ni Lee na sa pondo naman ng gobyerno kinakaltas ang discount na ibinibigay sa mga PWD at hindi sa establisimyento.

"It's the government that shares the burden," aniya. 

Nanawagan din si Lee na respetuhin ang lahat ng PWD ano man ang itsura nito.

"Sa isang banda maaaring may error (ang nagbigay) pero ang katotohanan, hindi lang natin nauunawaan kung bakit nabigyan siya ng ID," ani Lee, na isa ring person with disability. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.