PatrolPH

Bulag na masahista sa Iligan napilitang magbalat ng niyog para may kita habang MECQ sa lungsod

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2020 06:29 PM

Bulag na masahista sa Iligan napilitang magbalat ng niyog para may kita habang MECQ sa lungsod 1
Larawan mula kay Engr. Teod Gayo

ILIGAN CITY - Napilitang magbalat ng niyog ang bulag na masahistang si Jonathan Javier simula nang ipatupad ang modified enhanced community quarantine sa lungsod ng Iligan nitong Setyembre.

Pinagbawalan na kasi sila ng mall kung saan sila dati nagmamasahe upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nagkakasugat-sugat ang kamay ni Jonathan, 34 anyos, dahil hindi niya nakikita ang peeler.

Kumikita siya ng P200 sa pagbabalat ng 1,000 niyog. Inaabot siya ng dalawa hanggang tatlong araw sa pagbabalat.

"Depende lang kung kaya pa ng mga kamay ko," aniya.

Tinitiis niya ito para may pangkain siya at ang dalawa pang bulag na kasama niya sa bahay. Bukod sa pangkain, ang kinikita niya ay pinagkakasya rin para sa renta ng tinutuluyan nilang bahay.

Minsan ay tinutulungan na rin siya ng mga bata sa kanilang lugar para mapabilis ang trabaho.

Isa si Jonathan sa nawalan ng kabuhayan sa pansamantalang pagpapahinto ng IATF sa non-essential services at pagpapasara ng mga establisyamento.

Nakatanggap si Jonathan ng limang kilong bigas na ayuda mula sa lokal na pamahalaan, pero ilang araw lang na pangkain nila ito.

Paliwanag ni City Administrator Leony Roy Ga, hindi nila maibigay ng bulto ang ayuda para sa mga tao.

Hindi pa rin kasi tiyak hanggang kailan ang pandemya.

"Pakiusap ko sa mga tao na pagpasensyahan ang 5 kilong bigas kasi pasiuna lang po yan. Naghahanap ng paraan sina Mayor Celso Regencia at Vice Mayor Jemar Vera Cruz na makapagbigay pa ng ayuda," ani Ga.

Dalawang linggo na na naipatutupad ang MECQ sa Iligan, at patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Pumalo na sa 558 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, kung saan 182 nito ang active cases, at 28 na ang namatay.

Pangamba ng mga residenteng gaya ni Jonathan na ma-extend ang MECQ kung patuloy pa ring lolobo ang bilang ng mga nagkakasakit.
Gustuhin man raw nilang mag-quarantine, pero mapipilitan ring lumabas at maghanap ng maipangtatawid-gutom.

- ulat ni Roxanne Arevalo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.