Para mukhang bago: Taga-Pampanga pinipinturahan ng movie characters ang mga damit

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2020 02:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Para magmukhang bago ulit ang mga sinusuot niyang damit, pinipintahan ng isang Bayan Patroller ng iba’t ibang disenyo ang kaniyang mga hindi nasusuot na damit, gamit ang acrylic at fabric paint.

Kuwento ni Patricia Joy Gomez, isang 4th year college student na taga-Porac, Pampanga, naging libangan niya ito noong magsimula ang pandemya. 

Larawan ng mga karakter sa pelikula gaya nina Harry Potter, Joker, Harley Quinn, at iba pang disenyo ang kaniyang ginuguhit gamit ang acrylic at fabric paint. 

Sa panayam sa programang Lingkod Kapamilya, ikinuwento ni Gomez kung paano niya pinipili ang mga subject ng kaniyang pinipinta. 

“Katulad na lang po ni Joker, kaya ko siya ipininta kasi sa movie po kasi niya is parang masaya siya di ba pero deep inside napakalungkot po ng buhay niya. Nangyayari naman po talaga 'yan sa totoong buhay,” ani Gomez.

Kuwento ni Gomez, nanonood lang siya ng mga video ng mga batikang artist para matuto ng bagong pamamaraan. 

Bata pa lang daw siya ay mahilig na siya mag-drawing pero sariling sikap lang ang kaniyang ginagawa para hasain pa ang talento. 

Banggit pa ni Gomez, lalo siyang ginanahan mag-drawing dahil sa kaniyang pamilya, asawa’t mga anak. 

“Simula pa po noong bata ako mahilig na ako magpinta at naging inspirasyon ko sa pagpipinta dahil sa pamilya ko. Sinusuportahan nila ako sa ginagawa ko. Sabi nga po nila, huwag ko alisin sa sarili ko 'yan dahil passion ko 'yan,” aniya. 

Gumawa na ng vlog at YouTube channel si Gomez para mas maipakita ang kaniyang mga obra at kung paano niya ito ginagawa para makapagbigay-inspirasyon sa iba. 

Ngayon, balak munang gawin ni Gomez na koleksiyon ang mga nagawa pero plano niya rin itong gawing business. 

— Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.