KILALANIN: Lalaking gumagawa ng mga 'estatwa' ng mga superhero

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 04:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mula sa kaniyang pagkahumaling sa mga superhero at iba pang sikat na karakter, inukit ni Jerry Santos ang kaniyang karera bilang tagagawa ng mga life-sized action figure o iyong mga estatwa ng mga karakter na sinlaki ng tao.

Kuwento ni Santos, high school pa lang siya ay mahilig na talaga siya sa mga superhero. Sa katunayan, mayroon siyang koleksiyon ng higit 500 comic books at 1,000 toy figures o iyong mga maliliit na laruan ng mga superhero at iba pang karakter.

Ang ilan sa mga paboritong life-sized figures na likha ni Santos ay mga karakter na mula umano sa kaniyang pagkabata gaya ng mga Japanese robot na sina Voltes V at Mazinger Z, superhero na si He-Man, at Mario ng larong Super Mario.

"'Yong life-sized kasi very seldom [bihira] na makakakita ka na may gumagawa," ani Santos.

Pero nakagawa na rin si Santos ng mga estatwa ng mga karakter na nananatiling patok sa mga kabataan ngayon gaya nina Superman, Batman, the Hulk at Captain Amerika.

Mayroon din siyang ginawang estatwa ni Zuma, ang karakter mula sa komiks ni Jim Fernandez na may kakayahing kontrolin ang mga ahas.

"Si Zuma kasi nababasa ko 'to dati sa komiks. Dito ako natakot noon. So sabi ko, 'Siguro it's time na si Zuma naman ang aking gawin,'" ani Santos.

Itinatanghal sa mga kumbensiyon ang mga estatwa ni Santos.

Nilagay rin umano sa isang mini museum ng Batmobile—ang sasakyan ng superhero na si Batman—ang Batmobile na likha ni Santos.

Gumawa na rin siya ng ilang robot figures para sa Japanese company na Toei.

"Passion ko talaga 'to. Parang 'di ako nagtatrabaho. Masaya parati 'pag may bagong gawa, parang may bago akong laruan," ani Santos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.