Bentahan ng lechon sa La Loma, QC walang pagbabago

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2019 10:27 AM

Ayon sa mga tindero ng lechon sa La Loma, Quezon City, native ang kanilang mga lechong baboy. ABS-CBN News

MAYNILA -- Hindi apektado ng African swine flu ang bentahan ng lechong baboy sa La Loma, Quezon City.

Ito'y matapos ideklara ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nakapasok sa lungsod ang sakit at ipinag-utos ang pagpatay ng mga baboy sa loob ng 1 kilometro ng lugar na apektado ng ASF.

Ayon kay Corazon delos Reyes ng Mang Tomas Lechon, walang puting baboy na inili-lechon sa La Loma, kundi pawang mga native na galing ng Quezon at Mindoro.

Aniya, maganda ang bentahan ngayon ng lechon sa kanilang lugar at tinitiyak nila na hindi nagmula sa mga apektadong lugar ang kanilang ibinebenta.

Ayon naman kay Josie Cua ng Mila's Lechon, bagamat bahagyang tumumal ang kanilang bentahan ng lechon dahil sa tag-ulan, tiniyak niyang magiging maganda ulit ito dahil papalapit na ang Pasko.

Hinihikayat niya ang mga mamimili na huwag mangamba sa pagbili sa La Loma dahil galing ang kanilang baboy sa Tuguegarao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.