KILALANIN: Pulis, sasabak sa Mr. Gay Philippines

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2016 12:40 AM

Nakaw-eksena ang isang pulis na kandidato sa Mr. Gay World Philippines 2016 sa media presentation nito ngayong Huwebes. Tatlumpu't anim na gay men mula sa iba't ibang propesyon ang ipinakilala. 

Pero si PO1 Jessie Quitevis mula Taguig ang lumutang sa emosyonal niyang pagladlad ng kanyang sexual orientation na hindi naman daw nakahadlang sa misyon niyang panatilihin ang peace and order bilang police officer sa Taguig Police District. 

Registered nurse din si Quitevis na naging OFW (overseas Filipino worker). 

May mga atleta, chef, mananayaw at negosyante sa hanay ng mga contestants mula Luzon, Visayas at Mindanao. Tikas lalaki din ang dating ng mga contestants sa rampahan. 

Ang mananalo ay magiging kinatawan ng Pilipinas sa Mr. Gay World pageant. Nakatakdang ganapin ang koronasyon ng Mr. Gay Philippines sa Oktubre 2 sa University of the Philippines Theater sa Diliman, Quezon City.