Delivery rider na ninakawan ng bike nakatanggap ng regalo sa Bayan Patroller

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2020 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Matapos manakaw ang bisikleta ng isang food delivery rider sa Tondo, isang netizen ang nagmagandang loob at binigyan siya ng brand new mountain bike para maipagpatuloy ang kanyang paghahanapbuhay para sa kanyang pamilya.

Service crew sa isang kilalang fast food chain ang 25 taong gulang na si Arnulfo Ataop Jr. na taga-Smokey Mountain.

Pero dahil sa pandemya, isa siya sa mga nawalan ng trabaho matapos magsara ang pinapasukang branch.

Kaya para may pantustos sa mga gastusin nilang mag-asawa at 2 anak, pumasok si Ataop bilang delivery rider o "pabili service" gamit ang bisikletang ipinahiram sa kanya ng biyenan.

"Walang wala na ako nu'ng budget eh, wala po akong mapagkuhanan. Imbes na mangutang ka nang mangutang, bakit hindi mo na lang gamitin 'yung bike mo pang-deliver. Halagang P500 lang na capital puwedeng tumubo ng P1,000," aniya.

Sa kasamaang palad, habang nag-aabang ng kanyang susunod na delivery noong Setyembre 5, ninakaw ang bisikleta ni Ataop.

Nanawagan siya ng tulong sa Facebook para makabili ng bisikleta at maipagpatuloy ang kanyang hanapbuhay.

Naantig si Bayan Patroller Jinn Barbatos nang mabasa ang post ni Ataop. Kinabukasan, tinawagan niya si Ataop at isinama itong bumili ng bagong mountain bike.

"Napukaw 'yung atensyon ko dahil tatay din ako. Kung tatlong araw ka mawawalan ng bisikleta, tatlong araw din hindi kakain ang pamilya mo. Napakalaking bagay ng pagtutulungan ngayon dahil tayo-tayo lang naman ang maghahawak-kamay eh para makaahon sa pandemya ngayon," ayon Barbatos.

Labis naman ang pasasalamat ni Ataop sa di inaasahang biyaya.

"Hindi mo sukat akalain na may tutulong pa sa panahong ngayon... Kung may nakita man akong nangangailangan, tutulong din ako," aniya.

—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.