TIPS: Bakit mahalaga magkaroon ng 'emergency fund'

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 08:52 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Walang makapagsasabi kung kailan may darating na sakit o sakuna kaya importante ang nagtatabi ng bahagi ng sahod para mapaghandaan ito.

Ito ang giit ng financial guru na si Fitz Villafuerte sa “Sakto” ng DZMM nitong Huwebes. 

Aniya, mas nagiging importante pa ang pagtatabi ng pera lalo na’t tumataas ang presyo ng mga bilihin. 

“Maraming nag-iisip na emergency fund para lang kapag nagkakasakit o kapag may nasisira sa bahay. Iyung balitang tumataas ang bilihin dahil sa inflation 'yun din ay isang magandang gamit ng emergency fund,” ani Villafuerte.

Kung nais magsimula ng emergency fund, dapat raw paglabas pa lamang ng suweldo ay agad na maglaan ng pera para hindi na ito magastos sa ibang bilihin. 

“Pagkuha mo ng suweldo mo magtabi ka na agad. Saka mo i-budget ‘yung gastusin mo sa natitirang (pera),” ayon sa financial expert.
 
“Doon sa suweldo mo tanungin mo sarili mo ‘Ano ‘yung komportable sa'kin?’. Kahit P100 o P200 isang buwan, maiipon pa rin 'yan at lalaki,” dagdag niya. 

Nakatutulong rin daw ang pagbukas ng automatic debit sa bangko, o ang sistematikong pagkaltas ng bahagi ng iyong suweldo para malipat ang pera sa passbook o ibang savings account. 

Dapat ring may nakatagong salapi sa bahay para sa mga kalamidad o mga panahong offline ang ATM. 

Para naman sa mga luho tulad ng bagong cellphone o bagong damit, importanteng magtabi ng hiwalay na lalagyan ng pera para dito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.