Paglaki ng prostate gland, sintomas ba ng kanser?

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 03:35 PM | Updated as of Sep 11 2019 03:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi nangangahulugang kanser ang kondisyon kung lumalaki ang prostate ng lalaki, bagaman halos magkapareho ang sintomas ng mga ito, ayon sa isang doktor.

Sa programang "Good Vibes" ng DZMM, ipinaliwanag ng urologist na si Dr. Joseph Lee ang pagkakaiba ng benign prostatic hyperplasia (BPH) at prostate cancer.

Ang BPH ay tumutukoy sa paglaki sa prostate gland at, alinsunod sa pangalan ng kondisyon, "benign" o hindi nakakakanser, ayon kay Lee, na miyembro ng Philippine Urological Association.

Sinabi ni Lee na ang mga sintomas ng BPH at prostate cancer ay halos magkapareho gaya ng pagiging hirap sa pag-ihi.

"'Pag prostate cancer, mayroon ka nang hematuria o dugo sa ihi, sumasakit ang balakang, singit-singitan," paliwanag ng doktor.

Ipinayo ni Lee sa mga lalaki na regular na magpatingin sa doktor para malaman ang lagay ng prostate gland.

Ang prostate cancer, ani Lee, ay hereditary o namamana. Maaari rin daw itong ma-develop dahil sa stress.

Ang prostate ay organ sa ibabang bahagi ng pantog na responsable sa paggawa ng likido na humahalo sa semilya, ayon kay Lee.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.