Para sa signal: Lolo ginawan ng 'study area' ang apo sa itaas ng puno

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 07:05 PM | Updated as of Sep 10 2020 10:43 PM

MAYNILA - Malaki ang pasasalamat ng isang Grade 12 student matapos siyang gawan ng improvised study area sa itaas ng puno malapit sa kanilang bahay sa Guimaras. 

Ayon sa 17 anyos na si Jennylyn Mae Casipit, ito ay para mas madali siyang makasagap ng signal para sa kaniyang online class.

Gawa ng kaniyang lolo na si Florentino Bernadas ang study area, mula sa itinaling kumot, payong, at kahoy. 

"Naawa ako sa kaniya, nahirapan siya sa itaas sapagkat dito lang sa punong ito malakas ang signal. Kung anong kailangan niya na meron kami e di bigyan namin siya eh," paliwanag ni Bernadas. 

Kuwento ni Jennylyn, mula pa pagkabata ay lolo at lola na nila ang nagpalaki sa kanilang 2 magkapatid dahil overseas Filipino workers ang kanilang mga magulang.

"Gusto kong magpasalamat sa kaniya. Kahit na masakit ang tuhod niya, ginawan niya pa rin ako ng area para sa online class namin. Mag-aaral po ako nang mabuti. Makatapos po ako ng pag-aaral para mabigyan ko ng magandang buhay yung pamilya ko," ani Casipit. 

Sa ngayon ay tatlong linggo nang nag-o-online classes si Jennylyn sa study area na gawa ng kaniyang lolo. 

Ngayong suspendido ang face-to-face classes habang may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, blended learning methods na may kasamang online learning ang ipinapatupad ng mga paaralan. -- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.