Kumikita ngayon sa kaniyang leaf art ang isang dating factory worker sa Biñan, Laguna. Mga larawan mula kay Mary Mae Dacanay
MAYNILA — Pinagkakakitaan ngayon ng isang dating factory worker ang paggawa ng leaf art sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic matapos mawalan ng trabaho dahil sa lockdown nitong Marso.
Una nang nag-viral sa social media si Mary Mae Dacanay mula sa Biñan, Laguna sa kaniyang mga artwork na naka-ukit ang mukha ng mga personalidad tulad ng mga pumanaw na vlogger na sina Lloyd Cadena at Emman Nimedez, singer na si Jose Mari Chan, pati na rin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kuwento ng 23 anyos na leaf artist sa ABS-CBN News, nawalan siya ng trabaho dahil sa community quarantine. Aniya, sila ng kaniyang panganay na kapatid ang naghahanapbuhay para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Pumanaw na ang ina nito at ang ama naman niya ay suma-sideline sa paggawa ng picture frames. May kapatid pa itong nasa Grade 9.
“Dahil kami ay contractual, no work, no pay po kami. Unti-unti na pong nawalan ng pasok hanggang sa mawalan ng pasok,” kuwento ni Dacanay sa ABS-CBN News.
Pinili nitong hindi na banggitin ang pinagtatrabahuhan.
Kuwento ni Dacanay, matapos mawalan ng trabaho, naisipan lamang niyang i-post sa social media ang kaniyang leaf art. Marami ang natuwa sa kaniyang mga artwork at naging pinagkakitaan niya na ito at nagbebenta sa halagang P400 kada artwork, dagdag pa niya.
Aniya, hindi niya inakalang maraming tatangkilik sa kaniyang likha na sinimulan niya lang kahiligan ngayong taon.
“Bale nung una po for posting lang po talaga, ‘di ko po ine-expect na mag-viral mga gawa ko at ‘yung iba po gustong magpagawa, so in-open ko po for commission at marami po nagpapagawa,” ani Dacanay.
“‘Yung kinikita ko po [sa leaf art] nakakatulong sa gastusin kahit na wala po akong trabaho,” dagdag pa niya.
Ayon kay Dacanay, masaya siya na sa kabila ng pandemya ay nagagawa niya ang kaniyang hilig at nakatutulong ito para sa pantustos sa kanilang pangangailangan sa buhay.
“’Wag mawalan ng pag asa sa buhay, para po sa akin bilang isang artist mahalaga po na i-pursue ng isang tao ang kahiligan niya sa kahit anumang bagay na sa tingin niya ay magaling siya,” aniya.
“Base na rin po sa experience ko, magbubunga po ang lahat ng mga pinaghihirapan ng hindi mo po inaasahan.”
Para sa kaniyang mga artwork, maaaring pumunta sa kaniyang Facebook page na MM Dacanay.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog News, leaf art, COVID-19, coronavirus, community quarantine, Jose Mari Chan, PH artists, Lloyd Cadeno, Rodrigo Duterte, Emman Nimedez, MM Dacanay, Dacanay leaf art