Anak ng electrician at manikurista top 2 sa electrical engineering boards

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2019 12:56 PM

Sabi ng binata, ang ama niya ang naging inspirasyon niya para maging electrical engineer. Retrato mula kay Karren Canon, ABS-CBN News

LEGAZPI CITY, Albay — Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang 21 anyos na si Gerald Mier na natupad niya ang kaniyang pangarap na maging electrical engineer.

Pero hindi basta-basta pumasa lang si Mier dahil siya ang top 2 ng Electrical Engineer Board Exam na inilabas ang resulta noong Biyernes.

"Ang alam ko lang makakapasa ako pero 'yung mag-top, hindi ko ini-expect kasi talagang mahirap ang exam," aniya.

Kahit nung nasa review center, kapos pa rin si Mier sa pang araw-araw. Pero hindi ito naging hadlang para panghinaan siya ng loob.

Napaluha naman ang mga magulang ni Mier sa tagumpay ng anak lalo pa't naaalala nila ang mga sakripisyo makatapos lang ito.

Electrician ang ama at manikurista naman ang ina ni Mier.

Sabi ng binata, ang ama niya ang naging inspirasyon niya para maging electrical engineer.

Elementary pa lang kasi siya, sinasama na siya ng kaniyang ama sa mga pinapasukang trabaho.

Consistent dean's lister si Mier sa kolehiyo at nagtapos bilang cum laude sa Bicol University.

Ngayong nakapagtapos na sa kolehiyo, nangako si Mier na gagawin ang lahat para masuklian ang lahat ng pagtitiyaga at sakripisyo ng mga magulang.

— Reports from Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.