PatrolPH

Tulong bumuhos sa amang iba-barter na sana ang musical keyboard para sa isang sakong bigas

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2020 02:45 PM | Updated as of Sep 07 2020 03:11 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Bumuhos ang tulong sa pamilyang taga-General Santos City na balak sanang i-barter na ang kanilang musical keyboard nitong Agosto 28 para sa isang sakong bigas.

Kwento ni Trexy Pajarillo nitong Lunes, nag-post sila sa isang barter group sa social media para sana ipamalit ang instrumento para sa kanilang mga pangangailangan.

Nang i-post nito sa social media ang aniya’y huling pagpapatugtog ng kanyang ama sa instrumento, kinumbinsi siya ng mga netizens na huwag na itong ipa-barter.

 

“Ang gusto lang naman po namin ay makabili ng isang sakong bigas. Pero, sobra-sobra pa po sa isang sakong bigas ‘yung mabibili namin,” sabi ni Pajarillo sa TeleRadyo patungkol sa tulong na kanilang natanggap matapos ang kaniyang social media post.

Ayon kay Pajarillo, nakalikom na sila sa ngayon ng P20,000 at makabibili na rin sila ng kaniyang cellphone para sa kaniyang online classes.

Laking pasasalamat din ng ama ni Trexy na si Milbert Casuga Pajarillo, isang high school teacher, sa mga netizens na tumulong sa kaniyang pamilya.

Kwento ni Milbert, handa na sana siyang pakawalan ang kaniyang mga instrumento. Ngunit tila naging biyaya sa Panginoon ang kaniyang video para ‘di na nila kailangan pang gawin iyon. 

“Medyo minsan, nakakahiya ring isipin na parang nanlilimos po. Pero, paraan na rin siguro ‘yun ng Panginoon na matulungan,” sinabi niya sa TeleRadyo. 

Masaya si Milbert at kapiling pa rin niya ang kaniyang mga instrumento dahil sa mga ipinaabot na tulong ng mga netizens.

“Nagpapasalamat po ako [sa kanila]. Hindi niyo man po kilala ang aking anak, malaking tulong po ‘yon sa amin."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.