MAYNILA - Pagpatak ng Setyembre 1, hyper na si Alexander Manlapig ng Barangay South Triangle, Quezon City.
Nagpapatugtog na ulit si Manlapig ng mga awiting pamasko, at nagsabit na ng parol at iba pang palamuti dahil "ber" months na.
"Sabi nila mahirap, parang walang Paskong darating. Sabi ko, 'mayroon, nandiyan lang siya,'" ani Manlapig sa panayam ng ABS-CBN News.
Kabaligtaran naman ang pananaw ng ilang kapitbahay ni Manlapig.
"May Pasko pa bang darating? Wala na sigurong darating, gawa nang napakahirap ng buhay," sabi ni Pio Cabales.
Sa Dapitan, Maynila — na kilalang bentahan ng mga Christmas decoration — kumutitap na rin ang Christmas lights, naitayo na ang mga Christmas tree, at naka-display na ang mga panindang makukulay na parol at belen.
Puspusan na sa paggawa ng parol si Ambo Nicdao. Pero hindi gaya nang dating 100 piraso ang ginagawa niya kada araw, ngayo'y wala pang 20 piraso.
Naniniwala pa rin si Nicdao na kahit papaano ay gagastos ang mga tao ngayong Pasko.
Mahina rin ang bentahan ng parol sa San Juan City.
Ayon sa gumagawa ng parol na si Aljane Dizon, imbes na bumili ng bago, karamihan ay nagpapa-repair na lang.
"Matumal ngayon, paisa-isa na lang ang bili. Dati, dagsa na ganitong mga araw," ani Dizon.
Ayon sa sociologist na si Andrew Evangelista, totoong ibang Pasko ang mararamdaman ng marami, lalo na ang mga pamilyang natamaan ng pandemya.
"Parang mahirap na ngang mamatayan, tapos ise-celebrate mo pa 'yong Pasko," ani Evangelista.
Malalim ang tradisyon ng Pasko sa mga Pilipino kaya, ani Evangelista, hindi masasabing kababawan ang umasa sa saya at kulay na dala ng okasyon.
"For most Filipinos, Christmas is a family tradition, about celebrating the fact that family is still intact, family is still surviving," sabi niya.
"It has a very deep meaning for many Filipino families especially in the context of crisis."
Ayon pa kay Evangelista, pinapaalala ng Pasko ang tunay na diwa nito ay ang pagbubuklod ng pamilya, ano mang unos ang pagdaanan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Pasko, Christmas, ber months, Christmas decoration, COVID-19 Christmas, COVID-19 pandemic, parol, TV Patrol, Maan Macapagal