VIRAL: Estudyante sa labas ng bahay nag-online class para makasagap ng signal

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2020 01:27 PM | Updated as of Sep 05 2020 11:28 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nag-viral sa social media ang isang estudyante sa San Juan, Batangas na pumuwesto sa labas ng bahay para makasagap ng signal ngayong nag-o-online class siya habang may pandemya.

Gumamit ng kumot, mesa, at kawayan bilang cellphone holder sa labas ng bahay ang BS Mechatronics student na si Mark Joseph Andal para makadalo sa klase.

Kinuhanan ito ng retrato ng kaniyang kaibigan na si Joseph Palacio na humanga sa determinasyon ni Andal.

“Na-inspire ako sa kaniyang kagustuhan na makapag-aral, naisipan ko pong i-upload 'yung pic para ma-inspire din ang mga ibang mag-aaral," aniya.

Sa panayam sa Teleradyo, ipinaliwanag ni Andal na mahina ang signal sa kanilang bahay kaya naghanap siya ng puwesto para makapag-aral nang maayos.

"Kasi po 'pag sa loob ng bahay ay mahina po ang signal gawa po ay mahihirapan kami... as in hindi po makakapagbukas ng application na
needed, na required po ng Internet sa loob po ng bahay," ani Andal.

Bagama't aminadong nahihirapan, wala aniya siyang balak sumuko para makapagtapos ng pag-aaral at mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.

Plano niyang lagyan ng bubong ang kaniyang puwesto gamit ang kaniyang kinikita bilang construction worker kapag walang pasok.

Isa ang online learning sa mga distance learning modes na ginagamit ng mga eskuwelahan ngayon habang bawal ang face-to-face classes

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.