Bawang, baking powder mabisa nga bang pantanggal ng kulugo?

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 02:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mabisa man ay nagbabala pa rin ang isang doktor sa paggamit ng bawang at baking powder na hinaluan ng castor oil bilang pantanggal sa kulugo.

Sa programang "Good Vibes" ng DZMM, ipinaliwanag ng dermatologist na si Dr. Katty Go na maituturing na mga homemade remedy ang bawang at baking powder na may halong castor oil dahil nasusunog ng mga ito ang kulugo.

"Ang reason lang doon ay para makasunog ng kulugo," ani Go.

"Ang difficulty lang diyan, maaaring hindi malalim, deep enough 'yong pagtanggal so puwedeng bumalik ['yong kulugo] or kapag medyo nilagay natin sa mukha, mag-scar. So pangit hitsura pagkatpaos masunog 'yong kulugo," paliwanag ng doktora.

Ang kulugo ay maliit na butlig na karaniwang magaspang. Ito ay abnormal na pagtubo ng cell sa balat bunsod ng mga virus sa ilalim ng human papillomavirus family.

Pinabulaanan din ni Go ang ideyang ang kulugo ay nakukuha sa mga palaka.

"It's just a myth," ani Go.

"'Yong skin kasi ng palaka, warty siya pero hindi siya 'yong virus as the human virus that causes warts."

Ayon kay Go, "pagsunog" ang pinakamabisang paraan upang matanggal ang kulugo.

"Mayroon siyang parang ugat so kapag nasunog lang natin sa ibabawa, hindi natin nahuli 'yong pinakaugat niya, puwede siyang bumalik," aniya.

"Kailangan talaga maging complete 'yong pagtatanggal sa kaniya, hanggang sa ilalim, hanggang sa ugat," dagdag ni Go.

Puwede raw magpabalik-balik o kumalat ang kulugo kapag hindi wasto o tama ang pagtanggal dito, sabi ni Go.

Isa umano sa mga paraan na ginagawa ng mga doktor para maalis ang kulugo ay ang cauterization, na gumagamit ng makina para masunog ang kulugo.

Ayon kay Go, maaaring makaramdam ng kaunting sakit ang pasyente sa prosesong ito kaya kadalasan ay nilalagyan ng cream na anesthesia ang bahagi ng balat ng pasyente na may kulugo bago sumailalim sa procedure.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.