VIRAL: Delivery rider, pumarada saglit para dumalo sa online class

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2020 01:09 PM | Updated as of Sep 07 2020 07:57 PM

Si Francis Ax Valerio, isang delivery rider, habang nasa online class at nakaparada sa gilid ng isang mall sa Parañaque City. Kuha ni Christian Lorenz Nuñez

MAYNILA — Viral ngayon sa social media ang isang delivery rider na pumarada muna sa gilid ng isang mall sa Parañaque City para dumalo sa kaniyang online class.

Kuwento ng third year communications student ng Adamson University na si Francis Ax Valerio, kinakailangan niyang magtrabaho para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Aniya, ang kaniyang ina ay nagbabantay sa kaniyang amang na-stroke nito lamang Hulyo at mayroon pa siyang Grade 10 na kapatid.

Watch more in iWantTFC

“Nagwo-work po ako para sa family ko kasi po wala nang katuwang mama ko sa pang-gastos namin sa bahay dahil papa ko po na-stroke kaya ‘di po ako puwede mag-stop mag-work,” kuwento ng 21 anyos na estudyante sa ABS-CBN News nitong Huwebes.

“Panganay po ako, dalawa kaming magkapatid. Mama ko po government employee pero ‘di na po siya nakaka-work dahil siya nag-aalaga kay Papa,” dagdag pa niya.

Ayon kay Valerio, bago pa man ma-stroke ang kaniyang ama ay suma-sideline na siya sa isang fastfood chain at kalaunan ay naging delivery rider para tumulong sa kaniyang ina.

Aniya, doble kayod na siya ngayon bilang delivery rider dahil sa hirap ng buhay sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Naaawa po ako sa mama ko dati nakikita ko siya naiyak ‘pag wala na siya mabigay sa’min kaya nagpursige na po ako magtrabaho,” aniya.

Sa kabila ng mga pinagdaraanang pagsubok, pursigido pa rin si Valerio na magpatuloy para sa kaniyang pamilya.

“Laban lang! ‘Wag po tayo magpapatalo sa pagsubok sa buhay. Pagpatuloy lang natin ang pagsisikap natin,” aniya.

“Alam ko may kaniya-kaniya tayong istorya kung bakit natin ginagawa ‘to. Yung istorya na ‘yun ang mag-aahon sa’tin paangat.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.