PatrolPH

TIPS: Mga maaaring gawin upang maiwasan ang mga sakit sa bato

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2018 05:58 PM | Updated as of Sep 01 2018 06:44 PM

Watch more News on iWantTFC

Isa sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan ng mga Pinoy ang sakit sa bato. 

Sa talaan ng National Kidney Transplant Institute (NKTI), isa kada oras ang namamatay dahil dito.

“Iyung chronic kidney disease, ito 'yung sakit sa bato na irreversible na unti-unting pagkasira ng kidney over time. Unfortunately in most cases, kung kailan severe na ang kidney disease, doon lang nagde-develop ng sintomas,” paliwanag ni Dr. Russel Villanueva, isang adult nephrology consultant. 

Ilan sa mga sintomas ang lagnat, pangangatog, hirap sa pag-ihi at paghinga, at madalas na pagkahilo.

Maaari itong makuha kung sobra-sobra ang pagkain ng matataba at maaalat na ulam.

“Mataas talaga ang salt content ng ating mga kinakain. Ang epekto nito sa kidney, ‘pag tayong mga Pilipino ay nakakakain ng asin ay ito’y nagkakaroon ng retention ng tubig sa katawan,” ani Villanueva.

Mas mataas naman ang tsansa na magkaroon ng sakit sa bato ang mga taong may diabetes, may altapresyon, naninigarilyo, at obese.

Makabubuting bantayan ang kinakain at uminom ng wastong dami ng tubig para maiwasang magkaroon ng sakit sa bato.

“Kailangan lang natin maging conscious. Ang iba nga, nagre-recommend to read the food labels para makita niyo kung ano ang content nito,” sabi ni Villanueva.

Iminungkahi rin ni Villanueva ang "Pinggang Pinoy" kung saan kalahati ng plato ay nakalaan para sa mga prutas at gulay, ang isang kapat ay para sa mga carbohydrates, habang ang natitirang isang kapat ay para sa ulam.

 WALANG KASIGURUHAN

Watch more News on iWantTFC

Pero maging ‘yong mga may healthy lifestyle ay posible pa ring magkaroon ng sakit sa bato. 

Nitong Agosto lang, ibinahagi ng beauty queen na si Bea Rose Santiago ang pagkakaroon ng chronic kidney disease dahil sa labis na pag-eehersisyo at pag-inom ng pre-workout drinks.

Payo ni Villanueva, magpakonsulta muna sa doctor bago uminom ng workout drinks o supplements, at kung susubok ng diyeta.

“One of the first steps is to get checked by the doctor para alam lang talaga ang baseline na kakayanin mo. Maganda na may gabay ng iyong doctor lalo na kapag nagte-take ka nitong [supplements] na ‘to para makasigurado lang,” tip ni Villanueva.

Sundan ang “Red Alert” sa Facebook (fb.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.