OFW sa Macau, di magaling lumangoy pero sumagip ng 2 Chinese

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 08:02 PM | Updated as of Aug 31 2017 10:58 PM

Itinuturing na bayani ang overseas Filipino worker na si Loreto Mijares matapos sagipin ang dalawang Chinese sa gitna ng pananalasa ng bagyong 'Hato' sa Macau noong Agosto 23, bagaman hindi siya gaanong marunong lumangoy.

Makikita sa video na kuha ng kanyang misis na umakyat si Loreto sa isang sasakyan at sinagip ang dalawang matandang Chinese na na-trap sa baha sa pamamagitan ng salbabida.

Nag-abot naman ng tali ang mga residente doon at hinila sila hanggang mailigtas.

Ipinagmamalaki ng pamilya ni Loreto sa Catarman, Northern Samar ang ipinakita niyang kabayanihan.

Pero hindi maiwasang mag-alala ng kanyang nanay na si Evelyn Mijares dahil hindi aniya ito magaling lumangoy.

Kuwento niya, muntik nang malunod noon ang anak kaya natakot siya nang malaman ang ginawa nito.

Ayon pa sa tiyahing si Ning-Ning De Guia, likas kay Loreto ang pagiging matulungin.

Kuwento naman ng 85 anyos na lola ni Loreto na si Elisa De Guia, binuhat din siya ng apo papunta sa evacuation center noong manalasa ang bagyong ‘Ruby’ sa Northern Samar. 

Bunso sa apat na magkakapatid si Loreto. May isang anak siya na nasa pangangalaga ngayon ng ina.

Si Loreto na rin ang sumusuporta sa kanyang nanay mula nang maulila sa ama.

Para sa pamilya Mijares, matagal nang bayani sa kanila si Loreto kaya dasal nila na manatili itong ligtas at nasa mabuting kalusugan.

-- Ulat ni Sharon Evite, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.