PatrolPH

Larawan ng mga bayaning Pinoy iginuhit sa dahon, tinapay

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2021 12:08 PM

Isang anahaw leaf art na nagbibigay pugay sa mga bayaning Filipino ang ginawa ng isang residente ng Cuartero, Capiz. Retrato mula kay Aldrin Jay Celiz
Isang anahaw leaf art na nagbibigay pugay sa mga bayaning Filipino ang ginawa ng isang residente ng Cuartero, Capiz. Retrato mula kay Aldrin Jay Celiz

Naging malikhain ang mga Pinoy sa pagbibigay pugay sa mga bayani ng bansa ngayong Lunes, National Heroes' Day.

Sa bayan ng Cuartero, Capiz, inukit ni Aldrin Jay Celiz ang mukha ng mga bayaning Filipino sa dahon ng anahaw bilang paggunita sa National Heroes Day.

Kasama rito sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Melchora Aquino at Apolinario Mabini.

Tanging cutter at dahon ang ginamit ni Celiz, na sinabing utang na loob ng mga Pinoy sa mga pambansang bayani ang demokrasyang tinatamasa ngayon.

Gamit ang palamang tsokolate, iginuhit ng isang taga-Badiangan, Iloilo ang larawan ng mga bayaning Filipino sa mga tinapay. Retrato mula kay Jaypee Bacera Magno
Gamit ang palamang tsokolate, iginuhit ng isang taga-Badiangan, Iloilo ang larawan ng mga bayaning Filipino sa mga tinapay. Retrato mula kay Jaypee Bacera Magno

Samantala, sa Badiangan, Iloilo, iginuhit naman sa "palaman artwork" ni Jaypee Bacera Magno ang mga bayani.

Gamit ang palaman na tsokolate at toothpick, na-drawing ni Magno ang mukha nina Juan Luna, Jose Rizal, Andres Bonifacio, Marcelo H. del Pilar, Emilio Aguinaldo at Gabriela Silang sa sliced bread.

"Unang kagat, lumaban agad" ang caption ni Magno sa post ng kaniyang artwork.

Ayon kay Magno, umabot nang 6 na oras ang paglikha sa palaman artwork.

Handog din umano ni Magno ang artworks sa mga kapuwa niyang overseas Filipino worker, na itinuturing na modern-day heroes.

— Ulat ni Rolen Escaniel

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.