Mga batang may special needs, nagsisilbi sa café sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 09:55 PM | Updated as of Aug 31 2017 01:34 AM

Dinarayo ang isang café sa Cebu City kung saan mga batang may special needs ang tagasilbi at tagaluto.

Maaliwalas ang paligid at may matamis na ngiting sasalubong sa bawat customer sa bagong café sa Cebu na swak sa mga estudyanteng nais mapag-isa o sa mga magkakaibigang nagkakamustahan.

Espesyal din ang café na ito dahil sa mga staff na mga batang may special needs. Sila ang mga estudyanteng may autism, Asperger's syndrome, at Down syndrome.

Ipinatayo ang Special Hands Café ng isang paaralan sa Cebu City para matuto ng social skills ang mga estudyante, at mahasa sakaling makahanap sila ng trabaho.

Tig-dalawa’t kalahating oras ang schedule nila sa umaga at gabi, at may mga guro rin na gumagabay sa kanila.

Bukod sa paggabay sa mga estudyante, nais din ng Special Hands Café na maipaunawa sa publiko na kaya ring gampanan ng children with special needs ang ilang gawain at hindi sila dapat ikahiya o iwasan.

-- Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.