PatrolPH

'I love you, ma'am Gina': Kilalanin ang isa sa mga unang rescue ng Bantay Bata 163

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2020 07:08 PM | Updated as of Aug 28 2020 08:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — "I love you, ma'am Gina."

Ito ang mga salitang nasambit ng mentally-challenged na si Jessie Lopez nang dumalaw siya noong nakaraang taon sa puntod ni dating ABS-CBN Foundation chairman Gina Lopez.

Si Jessie ang isa sa mga kauna-unahang naisalba ng Bantay Bata 163 na programa ng ABS-CBN Foundation.

Inabandona si Jessie ng mga magulang nito at pinabayaan ng mga nag-aalagang kaanak.

"Hindi na nag-fully develop 'yung brain niya, siguro malnourished o talagang ganun ang nangyari sa kaniya. Noong February 24, 1997, ni-rescue 'yung bata ng Bantay Bata. Nang nalaman ni ma'am Gina 'yung kalagayan ng bata, agad-agad pumunta siya, pinadala niya sa ospital," kuwento ni Jen Chan, director of communications ng ABS-CBN Foundation.

Sa nakaraang mahigit 2 dekada, nakaugat ang programa ng Bantay Bata 163 sa pagmamahal at malasakit ni Lopez.

"Si Jessie 'yung sumisimbolo ng mga batang kailangan ng tulong, kailangan ng aruga, mga batang inaabuso pero walang kumakalinga. Dahil walang kumakalinga sa kanila, sana may matatawagan," paliwanag ni Jing Castañeda na nanungkulan noon bilang program director ng Bantay Bata.

Sa pamamagitan ng Bantay Bata 163, may matatawagan para makahingi ng tulong para sa pagsasalba ng marami pang "Jessie."

Mula 1996, maraming bata na ang naisalba na kinanlong ng Children’s Village sa Norzagaray, Bulacan. Dito ibinigay ang pag-aaruga sa mga bata na naipagkait sa kanila ng kanilang mga magulang.

Si Krystine Dale Jimenez, isang social worker ng Bantay Bata 163, ay mahigit isang dekada nang namulat sa malasakit ni Lopez sa programa. 

"Siyempre 'pag na-rescue mo, ano mangyayari sa bata? Hindi lang naman dapat natatapos lang din dun. So nagkaroon ng Children’s Village,” kuwento ni Jimenez. 

Dumadaan man ngayon sa hamon dahil sa pagkakait ng prangkisa ng ABS-CBN, hindi dapat mawala ang mga nasimulan ni Lopez. 

“Wala na si GL (Gina Lopez) pero sa sobrang dami niyang na-touch eh talagang hindi mamamatay ang kaniyang spirit, hindi mamamatay ang kaniyang legacy kasi naisapuso at naisaisip ngayon ng marami sa atin on a daily basis," sabi ni Susan Afan, managing director ng ABS-CBN Foundation. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.