VIRAL: Mag-inang dating private school teacher, naglalako ng pagkain sa QC

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2020 03:29 PM | Updated as of Aug 25 2020 03:30 PM

MAYNILA — Nakitang paraan ng mag-inang dating private school teacher ang paglalako ng pagkain sa Quezon City para kumita sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. 

Ayon kay Chelsey ('di niya tunay na pangalan), naglalako sila ng chocolate, banana chips, tinapay, brownies, at chips sa Commonwealth Avenue at Banawe Street sa nasabing siyudad simula pa noong mawalan sila ng trabaho noong Marso.

"Ngayong taon lang po, March, kami nawalan ng trabaho at magsimulang mawalan ng work ... Nag-aalok po kami sa mga drive-thru ... sa mga kumakain po sa mga tao pong nakakasalubong," sinabi ng 26 anyos na dating guro sa ABS-CBN News nitong Lunes.

Kwento ni Chelsey, aabot sa P500 kada araw ang kinikita nilang mag-ina sa paglalako ng pagkain at swerte na sila kung tataas pa ito sa P1,000.

Ayon kay Chelsey, ito lang ang nakikita nilang paraan ng kanilang 65 anyos na inang si Lisa ('di niya tunay na pangalan), na una na ring nagviral sa social media.

"'Yun lang po kasi best way na naisip namin kasi 'di naman po sanay si mama sa online selling. Mas mabuti na po na ibaba na lang namin ang pride namin kaysa umasa sa iba," aniya.

Hiling ni Chelsey na matapos ang pandemya at makabalik na uli sa trabaho.

"May plano din po kami na bumalik. Tatapusin lang ang pandemic ... mahalaga po sa 'kin ang pagtuturo, ito po talaga ang nasa puso ko," aniya.

"Masaya po talaga ako sa pagtuturo kahit sobrang nakakapagod, stress. Pero 'pag nakikita mo na 'yung lahat-lahat ng pagod mo may makikita kang achievement ... at 'yung respect na nakukuha mo sa kanila."

Ayon kay Education Undersecretary Revsee Escobedo, tinatapos pa ng ahensiya ang pagkuha ng mga ulat sa mga regional offices hinggil sa bilang ng mga private school na nagsara dahil sa pandemya.

Una nang sinabi ng Department of Education, aabot na sa 440 pribadong paaralan ang nagsuspinde ng operasyon bunsod ng mababang enrollment turnout.

Batay sa datos ng ahensya nitong Lunes, naitalang 1.7 milyong estudyante na ang naka-enroll sa pribadong paaralan o 41.47 porsiyento ng enrollment rate noong nakaraang taon na 4.3 milyon.

Aabot rin sa 398,010 estudyante galing sa pribadong paaralan ang lumipat sa pampublikong paaralan, ayon sa DepEd.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.