3 Pinoy nag-uwi ng mga medalya mula sa ballet competition sa Singapore

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 01:30 PM

DIPOLOG CITY — Karangalan ang dala ng 3 mananayaw mula Zamboanga del Norte matapos humakot ng mga medalya sa larangan ng ballet sa Asia Pacific Arts Festival na idinaos noong Agosto 17 sa Singapore.

Nag-uwi ng gold medal sa senior category si Reyna May Venezuela. Sa junior category, nakamit ni Kaye Lorraine Salcedo ang gold medal habang silver naman ang nakuha ni Merry Dianne Silva.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Venezuela, na senior high school student sa Jose Rizal Memorial State University sa Dapitan, na hindi niya inakalang ginto ang maiuuwing medalya gayong unang beses niyang sumabak sa timpalak.

"Buong akala ko, kulang pa ‘yong skills ko. Pero sa tulong ni Lord, hard work, at support ng parents ko, may naiuwi ako," ani Venezuela.

Ikinuwento naman ng coach na si John Rey Rocamora na puspusan ang naging paghahanda ng mga mananayaw para sa timpalak bagaman nangyari lamang sa loob ng maikling panahon.

"Everyday kami nagpa-practice. ‘Yong iba nga a year ‘yong preparation but we did it for 4 months only," ani Rocamora.

Nasa 11 bansa ang lumahok sa nasabing timpalak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.