Seminarista noon, hinahangaang designer ngayon

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 11:13 PM

Gawang Pinoy ang gowns na inirampa ng 20 kandidata ng Miss Universe New Zealand kamakailan.

Nasa likod ng mga eleganteng disenyo ang tubong Iloilo na si Sidney Eculla.

Matagal nang gumagawa ng pangalan sa fashion design si Eculla pero lalo siyang napansin nang idaos ang Gala Night ng Miss Universe 2016 sa Pilipinas.

Kuwento ni Eculla, nilapitan siya ng mga organizer ng Miss Universe New Zealand sa nasabing event para sabihing interesado sila sa mga obra niya.

Muli silang nagpulong ng mga organizer ng Miss Universe New Zealand sa Cebu at doon isinapinal ang mga plano.

"With the kind of trust the organization has given me, it was really a humbling experience," ani Eculla.
 
Dagdag pa niya, Hunyo nang pumunta siya ng Thailand para sa fitting ng mga gown habang isinasagawa ang photoshoot ng mga kandidata ng Miss Universe New Zealand. 

Ipinagmalaki ni Eculla na sa Iloilo mismo ginawa ang mga gown ng kandidata. Gawa pa sa piña at hablon ang ilang gown. 

Lumaki si Eculla sa mundo ng sining dahil pawang arkitekto mula sa bayan ng Igbaras sa Iloilo ang kaniyang ama at kapatid.

Pumasok siya sa seminaryo noong kolehiyo at mas lalo siyang nahilig sa disenyo ng mga pananamit dahil naging bahagi siya ng teatro. 

Wala mang pormal na edukasyon sa fashion, dalawang taon naman siyang nag-apprentice sa designer na si Edgar Allan. 

Matapos ang pageant, naghahanda na si Eculla para sa "fiber fashion show" sa Iloilo pati na rin ang pagdidisenyo ng gown ng napiling Miss Universe New Zealand na lalaban sa Miss Universe 2017. 

--Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.