ALAMIN: Paano maiiwasan ang premature skin aging?

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 11:49 PM

Isa sa mga madalas na problema, lalo na ng kababaihan, ang pagtanda ng balat, o skin aging.

Ayon kay Dr. Ellaine Joseph, nagkakaroon ng pagbabago sa balat ng tao mula edad 30 pataas.

"Nakikita na by the time you get to 30s, 35, pero mas evident o obvious na 'pag nasa 40s, 50s."

Dagdag pa niya, nagsisimula ang pagkakaroon ng fine lines o wrinkles dahil sa pagkasira ng collagen sa katawan.

"Yung collagen degradation, nagfa-fragment o nasisira ang collagen because of external factors," ani Joseph.

Ang collagen ang nagsisilbing haligi o framework ng balat ng tao.

"Since siya 'yung structure o parang mga haligi, 'pag nag-collapse, makikita mo na babagsak 'yung skin, magkakaroon ng fine lines o wrinkles," paliwanag ni Joseph.

Karaniwang nagiging sanhi ng pagtanda ng balat ang mga bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak, gayundin ang stress, pagod at puyat.

Ayon kay Joseph, makakatulong ang pag-inom ng mga food supplement na may collagen para maagapan ang pagtanda ng balat.

Makakatulong rin ang pag-eehersisyo at pagkain ng masusustansiyang pagkain.