PatrolPH

PANOORIN: Tips para makaiwas sa malas sa 'ghost month'

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2020 07:05 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -- Nagbahagi ang isang feng shui expert ng tips kung paano makakaiwas sa malas sa nalalapit na "ghost month," ang panahong pinaniniwalaan ng mga Chinese na nakakagala ang mga espiritu sa mundo ng mga tao.

Ayon kay Hanz Cua, ang "ghost month" ngayong taon ay magaganap mula Agosto 19 hanggang Setyembre 16.

"Sa ika-7 na buwan ng [Chinese lunar] calendar, binubuksan ang hell's gate para ang mga hungry ghost ay lumabas," paliwanag niya.

Dagdag ng resident feng shui expert ng "Umagang Kay Ganda," ang mga "hungry ghost" ay hindi lamang mga masasamang espiritu dahil puwede rin silang mga kaluluwa na nakalimutan ng kanilang mga kamag-anak.

"Sila rin ay pinaniniwalaan na nakalimutan na mga past loved ones natin. So sila 'yung mga espiritu na hindi na naalayan, hindi na nadasalan, o hindi napuntahan," aniya.

Para raw makaiwas sa malas ng "ghost month" ngayong 2020, minungkahi ni Cua na umiwas munang magbukas ng bagong negosyo, lumipat sa bagong trabaho, magpagawa ng bahay, magsampa ng kaso, at umuwi nang late sa gabi mula Agosto 19 hanggang Setyembre 16.

Aniya, ang pagtuloy sa mga ito sa panahon ng "ghost month" ay maaaring humantong sa mas maraming problema.

"'Paano po kung ang trabaho ko ay late na talaga akong umuuwi sa gabi?' Make sure lang po na magsuot kayo ng amulets para proteksyon po sa hungry ghost month. Magsuot din po ng masasayang kulay na damit kagaya ng yellow at red," aniya.

Ayon kay Cua, maaari rin daw na maglagay ng alay na pagkain, alak, sigarilyo, paper money, insenso, o pulang kandila sa labas ng bahay upang masigurado hindi pamumugaran ng "hungry ghost" ang kanilang mga tahanan.

Kahit anong pagkain daw ay puwedeng ialay, pero umiwas daw sa mga prutas na dikit-dikit tulad ng lansones at saging. "Pinaniniwalaan na ang pag-alay ng dikit-dikit na prutas sa mga hungry ghost ay puwedeng tuloy-tuloy ang kamalasan o problema sa isang pamilya," ani Cua.

Hinikayat din ng feng shui expert na buksan ang lahat ng ilaw sa bahay, lalo na ang mga bodega o lugar na hindi napupuntahan, para hindi ito gawing tirahan ng mga "hungry ghost."

Makakatulong din daw ang pagpapausok sa buong bahay gamit ang siyam na insenso, paglagay ng bawang o isang basong asin sa pinto o bintana, pagdarasal, at pagpapatugtog ng mga masasayang awitin.

Samantala, nagpaalala si Cua sa publiko na ang "ghost month," kahit pinaniniwalaang nagdadala ng malas, ay hindi dapat katakutan.

"Isa itong paniniwala ng Chinese na huwag nating kalimutan ang past loved ones natin at alayan natin sila," aniya.

"Ito rin ay paalala sa atin na habang nabubuhay tayo, huwag tayong magbigay ng problema sa ibang tao para tayo ay hindi maging hungry ghost," dagdag niya. "Huwag nating kalimutan na prayers at magandang samahan ng family members. Kailangan pa rin nating maging mabuti sa ibang tao."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.