Higit 2,000 ina sabay-sabay nagpasuso para sa adbokasiya

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 05:07 PM

MAYNILA — Higit 2,000 nanay ang nagtipon at sabay-sabay nagpasuso ng kanilang mga anak nitong Linggo para sa pakikiisa sa "Hakab Na! 2019" kung saan ipinagdiriwang ang National Breastfeeding Month.

Ang working mom na si Malyn Mamaril, sinisikap na mapa-breastfeed ang anak kahit pag-uwi na niya galing sa trabaho.

"Worth it 'yung effort kasi malusog siya at kitang-kita namang masigla siya," sabi ni Mamaril.

Ayon sa mga organizer ng event na isinagawa sa SMX Convention Center sa Pasay City, gusto nilang ipakita sa publiko na bukod sa health benefits, mas makakatipid din ang mga magulang sa pagpapa-breastfeed.

"[Bukod sa] economics benefits, ang dami pang bonding of the mother with the child," ani Bing Guevarra, co-founder ng grupong Breastfeeding Pinay.

Nakiisa rin ang Department of Health sa summit para gabayan ang mga nanay sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang kaalaman tungkol sa breastfeeding.

"Ang breastmilk ay siksik sa bitamina at nakakaiwas sa maraming sakit," paliwanag ni Dr. Anthony Calibo ng DOH-Family Health Office.

Ayon sa 2018 Expanded National Nutrition Survey, higit kalahati pa lang ng mga nanay sa bansa ang eksklusibong nagpapasuso ng anak.

Gusto ng DOH na tumaas pa ang bilang na ito para sa ikabubuti ng kalusugan ng maraming bata.

— Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.