ALAMIN: Masamang epekto ng carbon monoxide sa kalusugan

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 01:43 PM | Updated as of Aug 18 2019 01:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring magdulot ng pinsala sa katawan at kamatayan ang pagkakaroon ng mataas ng antas ng carbon monoxide sa katawan, ayon sa isang eksperto.

Kasama sa mga maaaring mapinsala ng carbon monoxide sa katawan ay ang utak at nerves o mga ugat na nagpapabatid ng pandama at kilos sa mga bahagi ng katawan, sabi ni Dr. Glynna Ong-Cabrera, pulmonologist mula sa Lung Center of the Philippines.

"Usually 'yong long-term [effects] niya, may findings po na nada-damage 'yong brain, nerves," anang doktora sa programang "Salamat Dok."

"Short-term [effects], 'pag mataas 'yong levels, 'yon po 'yong nahihilo, nasusuka, na-affect 'yong mental functioning. Pero kung sobrang taas, puwede pong ikamatay ng isang tao," dagdag niya.

Ang carbon monoxide ay nakalalasong gas na walang kulay at walang amoy.

Maaari umanong makuha ang carbon monoxide mula sa pagyoyosi at maruming hangin.

Ayon kay Cabrera, kinakapos sa oxygen ang tao kapag mataas ang antas ng carbon monoxide sa katawan.

"Kasi mas mabilis siyang (carbon monoxide) dumikit sa dugo kaysa sa oxygen kaya makakapos ng oxygen ang ating katawan 'pag mataas ang level ng carbon monoxide," paliwanag ng doktora.

Maaaring masukat ang antas ng carbon monoxide sa pamamagitan ng breath analyzer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.